IRAN – Kinumpirma ng Iran na natanggap na nito ang unang kita mula sa ipinataw nitong toll sa mga barkong dumadaan sa Strait of Hormuz, ayon sa isang mataas na opisyal ng parlyamento, sa gitna ng patuloy na tensyon sa isa sa pinakamahalagang shipping route sa mundo.
“The first revenue received from the Strait of Hormuz tolls was deposited into the Central Bank account,” ayon kay deputy speaker ng parliament Hamidreza Hajibabaei, batay sa ulat ng Tasnim news agency. Kinumpirma rin ito ng iba pang Iranian media ngunit walang karagdagang detalye.
Ang Strait of Hormuz ay itinuturing na kritikal na chokepoint sa pandaigdigang suplay ng enerhiya at naging sentro ng tensyon mula nang sumiklab ang labanan sa Middle East noong Pebrero 28. Daan ito ng humigit-kumulang isang-kalimang bahagi ng pandaigdigang langis at gas.
Ayon sa ulat, nilimitahan ng Iran ang pagdaan ng mga barko sa naturang ruta, na nagresulta sa pagbawas ng maritime traffic habang nagpapatuloy ang sigalot sa United States at Israel.
Bago ang anunsyo ng kita mula sa tolls, pinag-aaralan pa ng parlyamento ng Iran ang pagpapatupad ng singil sa mga barkong dumaraan, kasabay ng babala ng mga opisyal na hindi na babalik sa “pre-war status” ang daloy ng trapiko sa dagat.
Noong Marso 30, iniulat ng Iranian state media na inaprubahan ng parliamentary security commission ang plano sa toll collection, ngunit hindi pa malinaw kung may pinal na botohan na isinagawa.
Samantala, patuloy ang pressure ni US President Donald Trump na buksan muli ng Iran ang naturang rutang pandagat. Kasabay nito, nagsagawa rin ng mga konsultasyon ang Britain, France, at mahigit 30 bansa para sa posibleng multinational mission na magpoprotekta sa paglalayag sa Strait of Hormuz “as soon as conditions allow.” Dave Baluyot