MANILA, Philippines – PORMAL nang ipinamahagi ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang housing units sa 108 benepisyaryo mula sa San Lazaro Residences, isang in-city vertical housing project, nitong Huwebes.
Pinangunahan nina Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang pamamahagi ng susi at certificate of unit award sa mga napiling residente sa lungsod.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Domagoso na iilan lamang ang nabigyan sa libo-libong aplikante ng programa, kaya’t mahalagang pahalagahan at alagaan ang mga unit na ipinagkaloob sa kanila.
Mahigpit ding paalala ng alkalde na hindi maaaring ipagbili ang mga unit dahil ito ay pinondohan mula sa buwis ng mamamayan ng Maynila.
Ayon sa lokal na pamahalaan, bahagi ang San Lazaro Residences ng in-city housing program na layong mailapit ang disenteng tirahan sa mga pamilyang nangangailangan nang hindi na kailangang ilayo sa kanilang hanapbuhay.
Ang 20-palapag na gusali ay isa sa pitong proyektong pabahay na itinayo sa kasagsagan ng pandemya, na may kabuuang 383 two-bedroom units.
Bukod sa mismong tirahan, may mga pasilidad din ang gusali tulad ng swimming pool, elevators, parking slots, activity lawns, function rooms, roof deck garden, at health center.
Matatandaang pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inagurasyon ng gusali noong Nobyembre 2025, kung saan pinuri niya ang hakbang ng lungsod sa pagbibigay ng pabahay sa mga kapus-palad.
Giit ng pamahalaang lungsod, ang programa ay bahagi ng mas malawak na layunin na matugunan ang kakulangan sa pabahay habang pinananatili ang kaayusan at disiplina sa paggamit ng mga benepisyo. JAY Reyes