Home NATIONWIDE Reklamo sa mga piskal sa Olongapo, isang taon nang tengga: ANTI-CORRUPTION ADVOCATE...

Reklamo sa mga piskal sa Olongapo, isang taon nang tengga: ANTI-CORRUPTION ADVOCATE NAGPATULONG SA SC

98
0

MANILA, Philippines – NAGPAPATULONG na sa Korte Suprema ang isang anti-corruption advocate sa reklamong pang-aabuso sa dalawang piskal sa Olongapo City Prosecutor’s Office at mga umano’y kasapakat nila dahil sa mabagal na pag-usad ng proseso, isang taon matapos maisampa ang reklamo.

Nitong Huwebes, Abril 23, pormal na isinumite ni Monalie ‘Alie’ Dizon, Secretary General, Coalition Against Corruption at Kilusang Pagbabago National Movement for Change, ang kopya ng kanilang liham kay Prosecutor General Richard Fadullon sa tanggapan ni Chief Justice Alexander Gesmundo.

Tinalakay sa 10-pahinang reklamo ang umano’y kabiguan ng Olongapo OCP na mabigyan sila ng ‘audio’ at ‘video recordings’ sa nangyaring ‘clarificatory hearing’ sa loob ng piskalya noong Marso 24, 2025.

Ang nasabing pagdinig ay patungkol sa pagpapatunay ng isang ina mula sa tribong Aeta na hindi totoong rape victim ng isang foreign investor sa loob ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang kanyang anak na dalagita.

Sa ginawang imbestigasyon ng grupo ni Dizon at Volunteer Against Crime and Corruption (VACC), lumalabas na biktima ang bata ng human trafficking, illegal detention at child exploitation.

Ani Dizon, maipapakita sa nasabing video at audio recordings ang “pang-aabuso” sa tungkulin (grave abuse of authority) at harassment na kanilang dinanas nang samahan niya ang ina ng bata sa nasabing pagdinig sa kamay nina Deputy Chief Prosecutor Elizabeth Escuso at Associate Prosecutor Ria Sususco.

Ang dalawa at ilan pang indibidwal at opisyal mula sa SBMA ay nasampahan ng mga kasong administratibo sa DOJ noon ding Marso 2025 bukod pa sa mga kasong kriminal na nasa piskalya naman sa Nueva Ecija matapos ilipat doon ng DOJ ang imbestigasyon upang matiyak ang integridad ng proseso.

Pinansin pa ni Dizon na sapul nang magsimula ang mga pagdinig sa Nueva Ecija Prosecutor’s Office, patuloy umano silang bigo na makuha ang buong kooperasyon ng Olongapo OCP sa pagkuha ng mga ebidensiya na magpapatibay sa reklamo kina Sususco, Escuso at iba pa. Ang Olongapo OCP ay nasa pamumuno ni City Prosecutor Charlie Yap.

“Ayaw naming magbintang subalit sa sobrang itinatagal ng proseso, hindi maiwasan ang suspetsa na may nangyayaring pagtatakip o sabwatan upang hindi mabigyan ng hustisya ang bata at ang kanyang pamilya,” ani Dizon.

Nagtataka rin umano sila na sa kabila ng mga seryosong bintang kay Sususco at Escuso ay wala pa ring naipapataw na ‘disciplinary action’ ang DOJ o si Yap sa dalawa.

Umaasa naman si Dizon sa agarang aksyon ng Korte Suprema at tanggapan ni PG Fadullon hinggil sa bago nilang reklamo. RNT

CAPTION: HAWAK ni Monalie ‘Alie’ Dizon, secretary general ng Coaltion Against Corruption at Kilusang Pagbabago National Movement For Change, ang kopya ng reklamo na isinampa niya sa tanggapan ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here