MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon sa International Criminal Court (ICC), apat na araw bago ang nakatakdang pagsisimula ng paglilitis sa kanya kaugnay ng mga kasong crimes against humanity.
Sa 77-pahinang pre-trial filing na isinapubliko nitong Miyerkules, Nobyembre 25, iginiit ng depensa na walang sapat na batayan upang direktang iugnay si Duterte sa mga pagpatay at tangkang pagpatay na bahagi ng mga kasong isinampa laban sa kanya.
Ayon sa kanyang lead counsel na si Peter Haynes, hindi sapat ang mga talumpati ng dating Pangulo upang patunayang nagkaroon siya ng kriminal na layunin o direktang kaugnayan sa mga pagpatay.
Iginiit din ng depensa na ang paggamit ni Duterte ng salitang “neutralisation” sa kanyang mga pahayag ay hindi nangangahulugang utos ito na patayin ang mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga.
Ayon kay Haynes, kahit mapatunayan ng prosekusyon ang 56 insidenteng iniuugnay kay Duterte, hindi pa rin umano nito sapat na maitatatag ang mga kinakailangang elemento ng crimes against humanity.
Partikular na tinututulan ng depensa ang alegasyong nagkaroon ng malawakan o sistematikong pag-atake laban sa populasyong sibilyan bilang bahagi ng isang patakaran ng pamahalaan o organisasyon.
Kinilala naman ng kampo ni Duterte na may mga naganap na ilegal na pagpatay ng mga pulis sa panahon ng kampanya kontra droga.
Gayunman, iginiit nitong hindi awtomatikong maituturing na crimes against humanity ang mga naturang pagpatay.
Ayon sa depensa, maaari umanong papanagutin ang mga direktang responsable sa mga pagpatay sa ilalim ng mga umiiral na batas at sistema ng hustisya sa Pilipinas.
Binanggit din ni Haynes na may mga kasong naihain at patuloy na dinidinig sa mga lokal na korte, na aniya’y nagpapakitang may kakayahan ang bansa na papanagutin ang mga lumabag sa batas.
Sa panig naman ng ICC prosecution, iniuugnay ang mga pagpatay at tangkang pagpatay sa umano’y malawakan at sistematikong kampanya laban sa mga sibilyang pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga.
Noong Abril 23, 2026, kinumpirma ng ICC Pre-Trial Chamber I ang tatlong bilang ng crimes against humanity laban kay Duterte matapos makitang may sapat na batayan upang iharap ang mga kaso sa paglilitis.
Hindi pa ito nangangahulugan ng paghatol sa dating Pangulo, na nananatiling inosente sa ilalim ng batas hangga’t hindi napapatunayan ang pagkakasala.
Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30 sa The Hague, Netherlands, sa pangunguna ng ICC Trial Chamber III.
Inaasahang ilalahad ng prosekusyon ang mga testigo at ebidensiya nito sa unang bahagi ng paglilitis, habang patuloy namang kukuwestiyunin ng depensa ang mga alegasyon at ang kaugnayan ng mga ito kay Duterte. Dave Medina