Home NATIONWIDE P6.7-B bank transactions na nasita ng AMLC, itinanggi ni Mans Carpio

P6.7-B bank transactions na nasita ng AMLC, itinanggi ni Mans Carpio

85
0

MANILA, Philippines – Itinanggi ni Atty. Manases “Mans” Carpio na umabot sa P6.7 bilyon ang bank transactions nila ng kanyang asawa na si Vice President Sara Duterte na na-flag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) bilang “covered and suspicious.”

Ito ang sinabi ng abogado niyang si Atty. Peter Paul Danao sa isang panayam matapos ibunyag ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura ang datos sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay sa impeachment complaint laban sa Bise Presidente.

“Noong nag-usap kami (Carpio), talagang dine-deny niya ‘yung sinasabing P3 billion o P6 billion daw na may laman doon sa accounts niya. Wala siyang ganoong pera,” ani Danao.

Noong nakaraang Miyerkules, nagsumite si Buenaventura ng AMLC reports bilang pagsunod sa subpoena, kabilang ang Covered Transaction Reports, Suspicious Transaction Reports mula 2006 hanggang 2025, at Financial Intelligence Reports na may kaugnayan kina Duterte, Carpio, at iba pa.

Sa kabuuang halaga, P3.7 bilyon ang iniugnay kay Duterte habang P2.998 bilyon naman ang nakapangalan umano kay Carpio.

Ayon kay Danao, wala pa silang natatanggap na kopya ng AMLC report at nais nilang malaman kung direktang nagmula sa mga bangko ang naturang impormasyon.

“‘Yung mismong report ng bangko papunta sa AMLC na sinasabing ganyang transaction, ‘yun ang gusto naming makita—kung totoo bang may report ang bangko sa AMLC tungkol sa mga ganyang alleged transactions,” dagdag niya.

Nakatakdang magsampa si Carpio ng reklamong kriminal laban sa mga opisyal ng AMLC, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at mga miyembro ng House committee on justice dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Money Laundering Act (AMLA), bank secrecy laws, at Data Privacy Act.

Iginiit din niya na sa ilalim ng AMLA, ang pagiging kumpidensyal ng bank records ay “absolute and without exception,” at inakusahan ang mga sangkot na ginamit ang umano’y leak ng records para sa “black propaganda and political harassment.” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here