MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Imee Marcos sa Sugar Regulatory Administration (SRA) na itigil ang importasyon ng asukal dahil patuloy umanong nalulugi ang mga lokal na magsasaka sa pagbagsak ng millgate prices.
Ayon kay Marcos, bumaba ng halos 30% ang presyo ng lokal na asukal, at may mga magsasaka na nalulugi ng P200 hanggang P400 kada sako, habang hindi naman bumababa ang presyo nito sa merkado.
“May ani naman at ‘di kulang ang suplay, pero nag-import pa rin ang SRA? Aba, sino na naman ang nakinabang dito?” ani Marcos.
Giit niya, dapat itigil ang “padalos-dalos na importasyon” at unahin ang kapakanan ng mga lokal na magsasaka sa gitna ng krisis.
“Tantanan na dapat ‘yang padalos-dalos na importasyon na walang basehan at direksyon. Ngayong panahon ng krisis, dapat mga magsasaka natin ang inuuna, hindi ang imported,” dagdag niya.
Iminungkahi rin ng senador na bilhin ng gobyerno ang lokal na ani ng asukal para mapatatag ang presyo at maiwasan ang oversupply.
Samantala, nauna nang sinabi ng Department of Agriculture na walang importasyon ng asukal hanggang sa unang kalahati ng 2026, ngunit may mga panawagan na palawigin pa ito upang protektahan ang lokal na industriya. RNT/MND