MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ng kampo ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang posibilidad na huwag nang tanggapin ang kanyang sahod at allowance dahil sa kanyang madalas na pagliban sa sesyon ng Senado, ayon kay Sen. JV Ejercito nitong Martes.
Ayon kay Ejercito, matapos ang closed hearing ng Senate ethics committee, may mga indikasyon na tatalakayin ng kampo ni Dela Rosa ang rekomendasyong ito.
“They’re already considering it, so that’s the good news ‘no. It seems like they’re going to talk about it. Whether to waive the salaries and allowances, as we recommended,” ani Ejercito.
Nauna nang hinimok ng komite si Dela Rosa na pansamantalang isuko ang kanyang sahod habang tinatalakay ang isyu ng kanyang madalas na pagliban sa trabaho sa Senado. Ayon sa tala, 31 sa 58 session days ng 20th Congress ay hindi siya nakadalo.
Sinabi rin ni Ejercito na wala pa silang direktang komunikasyon sa senador, ngunit may mga usaping lumalabas mula sa kanyang kampo.
Nabanggit din na hindi na dumalo si Dela Rosa sa mga sesyon simula Nobyembre 2025 kasunod ng mga ulat tungkol sa umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court. RNT/MND