MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) ang buong legal at welfare assistance para sa pamilya ng Filipino seafarer na si George Francis Miranda, na napaulat na nawawala matapos tamaan ng missile ang barkong UAE-flagged na M/V Mussafah 2 at lumubog sa Strait of Hormuz noong Marso 6.
Ayon sa DMW sa isang Facebook post noong Martes, personal na binisita ni Secretary Hans Leo Cacdac ang pamilya ni Miranda noong Linggo upang iparating ang pakikiramay at suporta ng pamahalaan.
“Nakadaop-palad ko si Mrs. Chris Miranda… nagpaabot po tayo ng pakikiisa at tulong at suporta, kabilang na po ang legal assistance,” ani Cacdac.
Tiniyak ng opisyal na bibigyan ang pamilya ng legal assistance at koordinasyon sa mga abogado na may kaalaman sa UAE maritime at labor laws upang maprotektahan ang karapatan at benepisyo ng seafarer at ng kanyang mga benepisyaryo.
Nakikipag-ugnayan din ang DMW sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa mga diplomatikong hakbang at imbestigasyon hinggil sa insidente.
Si Miranda ay kabilang sa crew ng tugboat na umano’y tumulong sa isa pang barkong nasa distress nang mangyari ang pag-atake sa gitna ng tensyon sa pagitan ng US-Israel at Iran.
Patuloy ding binabantayan ng DMW ang kalagayan ng iba pang Filipino seafarers sa Persian Gulf at nakikipag-ugnayan sa mga manning agencies upang matiyak ang kanilang kaligtasan sa gitna ng umiinit na sitwasyon sa rehiyon. RNT/MND