Home NATIONWIDE Davao City, muling kinilala bilang No. 1 PH travel destination ng World...

Davao City, muling kinilala bilang No. 1 PH travel destination ng World Travel Index

103
0

MANILA, Philippines – Muling kinilala ang Davao City bilang nangungunang destinasyon sa Pilipinas sa ikalawang sunod na taon, batay sa ulat ng World Travel Index (WTI) para sa Abril 2026.

Nakakuha ang lungsod ng score na 75.66 na bunsod ng magandang performance sa imprastraktura, abot-kayang gastos, karanasan sa turismo, at kasiyahan ng mga bisita.

Ayon sa WTI, isa ring mahalagang salik ang reputasyon ng Davao City bilang isa sa mga pinakaligtas na urban centers sa bansa na umaakit sa lokal at dayuhang turista.

Ikinatuwa ng Davao City Tourism Operations Office (CTOO) ang pagkilala at sinabi nitong bunga ito ng patuloy na suporta ng mga tourism at hospitality stakeholders, partners, at lokal na komunidad.

Dagdag pa ng ahensya, palalakasin pa nila ang mga programa at serbisyo sa turismo upang mapanatili ang posisyon ng lungsod bilang pangunahing destinasyon sa bansa.

Nagpahayag din ng suporta ang Davao City Police Office (DCPO). Ayon kay DCPO Director Police Col. Peter Madria, ipinapakita ng pagkilalang ito ang reputasyon ng lungsod bilang destinasyong pinagsasama ang progreso, hospitality, at seguridad.

Kabilang sa mga tinukoy na atraksyon ang Mount Apo, Samal Island, mga eco-tourism site, parke, sariwang produktong tropikal, at Philippine Eagle Center na nakakatulong sa patuloy na pag-angat ng turismo sa lungsod.

Ayon kay Madria, ang pagkilalang ito ay karangalan para sa mga residente at patunay sa mga bisita na ligtas ang Davao City para sa paglalakbay, negosyo, at paglibot.

Muling tiniyak ng DCPO ang kanilang patuloy na pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng presensya ng pulisya, intelligence operations, crime prevention, at pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at komunidad. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here