Home NATIONWIDE 19 sasakyan ng Discaya, itinurn-over ng BOC sa BIR para sa tax...

19 sasakyan ng Discaya, itinurn-over ng BOC sa BIR para sa tax probe

86
0

MANILA, Philippines – IBINIGAY na ng Bureau of Customs (BOC) sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kustodiya ng 19 na sasakyang may kaugnayan sa pamilyang Discaya bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa buwis.

Nabatid sa BOC, kabilang sa mga isinailalim sa turnover ang iba’t ibang motor vehicles, kabilang ang dalawang utility task vehicles (UTVs), matapos nilang makumpleto ang kanilang enforcement actions alinsunod sa umiiral na proseso.

Ang naturang 19 sasakyan ay bahagi ng kabuuang 32 sasakyang isinailalim sa imbestigasyon noong Setyembre 2025 matapos ang pagpapatupad ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court.

Sa naturang operasyon, 12 sasakyan ang nasamsam, habang boluntaryong isinuko ng mag-asawang Discaya ang karagdagang 17 sasakyan at 2 UTVs.

Sa naging resulta ng imbestigasyon, natukoy ng BOC na 13 sasakyan ang lumabag sa batas sa adwana. Ang mga ito ay isinailalim sa forfeiture proceedings at kalaunan ay isinubasta noong 2026, na nakalikom ng mahigit ₱102 milyon na ibinalik sa pamahalaan.

Samantala, ang natitirang 19 sasakyan ay dumaan sa transaction audit na natapos noong Oktubre 2025. Lumabas sa pagsusuri na kumpleto ang dokumento at nabayaran nang tama ang kaukulang buwis at duties, at walang nakitang paglabag sa importation requirements.

Gayunpaman, nakatanggap ang BOC ng Notice of Constructive Distraint mula sa BIR na nag-uutos na manatili sa kustodiya ng ahensya ang mga sasakyan habang isinasagawa ang hiwalay na imbestigasyon sa buwis.

Noong Abril 29, 2026, inatasan ng BIR ang BOC na ilipat na ang kustodiya ng mga nasabing sasakyan upang direktang maisulong ang tax investigation at collection proceedings. Sa 19 sasakyan, 15 ang isinailalim sa constructive distraint habang apat naman ang nasa ilalim ng constructive seizure kaugnay ng tax assessment laban sa St. Gerrard Construction General Contractor & Development Corporation.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, mahalagang maipasa sa tamang ahensya ang mga kaso matapos makumpleto ang mandato ng kanilang tanggapan.

“Hindi nagtatapos ang enforcement sa hangganan ng aming hurisdiksyon. Sa paglipat ng kustodiya, mas mapapabilis ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng BIR,” ani Nepomuceno.

Nagpasalamat naman si Charlito Martin Mendoza, Commissioner ng BIR, sa maayos na koordinasyon ng dalawang ahensya.

Binigyang-diin niya na ang maayos na dokumentasyon, imbentaryo, at presensya ng mga awtorisadong kinatawan ay patunay ng epektibong inter-agency cooperation ng pamahalaan.

Iginiit ng BOC na ang hakbang na ito ay bahagi ng kanilang adbokasiya sa ilalim ng programang Integrity, Accountability, and Modernization (IAM), na naglalayong palakasin ang transparency, pananagutan, at modernisasyon sa pagpapatupad ng batas, katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here