MANILA, Philippines – Sinabi ni Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Shirley Agrupis na “hindi tamang panahon” para itaas ang matrikula sa mga pampubliko at pribadong higher education institutions (HEIs), sa gitna ng umiiral na national energy emergency at patuloy na pagtaas ng gastos.
Ayon kay Agrupis, tumataas ang bilang ng mga kahilingan para sa tuition fee hike dahil sa mas mataas na operational costs ng mga paaralan.
“While we recognize the increasing prices and mga kailangan ng isang higher education institution, nakikiusap kami na I think this is not the right time to increase tuition fees,” ani niya sa isang press conference.
Dagdag niya, bagama’t nakatanggap ang CHED ng maraming petisyon, may ilang pribadong HEIs na pumayag munang ipagpaliban ang pagtaas ng matrikula.
“So, naintindihan naman nila, but we are in the process of calling a meeting with higher education institutions,” sabi pa ni Agrupis.
Para naman sa state universities and colleges (SUCs), sinabi ng CHED na naihain na sa Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang harmonization ng tuition fees sa ilalim ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Ayon kay Agrupis, ang hakbang ay batay sa pag-aaral ng SyCip Gorres Velayo & Co. (SGV & Co) hinggil sa Normative Tuition and Other School Fees (TOSF), na gagamitin sa magiging polisiya at pagrepaso ng pondo para sa libreng tertiary education.
Ipinunto rin ng CHED na karamihan sa HEIs ay hindi pa ganap na lumilipat sa 100% online learning sa kabila ng energy emergency sa bansa. Noong Abril 6, pinahintulutan ng ahensya ang full online setup dahil sa tumataas na gastos sa fuel at kuryente, na epektibo hanggang katapusan ng Academic Year 2025–2026, kabilang ang summer classes.
Ayon kay Agrupis, nasa 2,000 HEIs ang nagpapakita ng kahandaan para sa flexible learning, ngunit iilan pa lamang ang ganap na naka-online. “Konti lang po ang nag-full na (Only a few have transitioned to) 100 percent online,” aniya, at binigyang-diin ang patuloy na pagpapasya ng mga institusyon batay sa kanilang kahandaan nang hindi isinasakripisyo ang kalidad ng edukasyon. RNT