Home NATIONWIDE 2 parak na escort, 4 pa timbog sa ilegal mineral ore

2 parak na escort, 4 pa timbog sa ilegal mineral ore

74
0

MANILA, Philippines – Dalawang pulis ang inaresto kasama ang apat na sibilyan matapos mahuli sa checkpoint sa Opol, Misamis Oriental na nagdadala ng hinihinalang ilegal na mineral ore, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Iniutos ni PNP Chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr. ang agarang pagtanggal sa pwesto ng mga sangkot na personnel at sinabi na may posibleng indikasyon na ginamit ang presensya ng pulisya bilang proteksyon sa transportasyon ng kargamento.

“We have a zero-tolerance policy for rogue policemen. Aside from the criminal charges for violating the Mining Act, they will face immediate administrative cases for grave misconduct,” sabi ni Nartatez.

Ayon sa ulat, sinita ng mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion sa Northern Mindanao ang isang white Isuzu L300 van sa checkpoint sa Sitio Mahayahay, Barangay Limonda. Natuklasan ang mga sako ng hinihinalang mineral ore sa loob ng sasakyan, at nabigo ang mga sakay na makapagpakita ng mga dokumentong magpapahintulot sa transportasyon nito, dahilan ng kanilang pag-aresto.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang 58 sako ng umano’y hindi pa napoprosesong mineral ore na tinatayang nagkakahalaga ng P290,000, ang sasakyan na pag-aari umano ng isang residente ng Toril, Davao City, dalawang Glock 17 Gen4 pistols, mga magazine at bala, mga cellphone, at isang jackhammer.

“We will not allow the uniform to be used for illegal activities. They are now under restrictive custody. I have ordered the Internal Affairs Service to fast-track their summary dismissal proceedings,” dagdag ni Nartatez.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP upang matukoy kung may iba pang sangkot sa operasyon. Sinabi rin ni Nartatez na tinitingnan na ang command responsibility at posibleng panagutin din ang mga nakatataas kung may makikitang pagkukulang. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here