MANILA, Philippines – Ilalagay sa heightened alert status ang Philippine National Police (PNP) simula Abril 30 bilang paghahanda sa mga aktibidad at protesta kaugnay ng Araw ng Paggawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, magsisimula ang alert status mula 12:01 a.m. ng Abril 30 hanggang 12:01 a.m. ng Mayo 2.
“Magsimula po bukas, oras ng 12:01 a.m. ng madaling araw, April 30, up to 12:01 a.m. ng madaling araw ng May 2, ang buong hanay ng PNP po ay idedeklara po na heightened alert status,” ani Tuaño sa isang press briefing.
Sa ilalim ng heightened alert, obligadong mag-report sa duty ang lahat ng pulis, kung saan ipatutupad ang 100% attendance upang matiyak ang buong deployment ng pwersa.
Mahigit 106,000 pulis ang ide-deploy sa buong bansa, kabilang ang mga mula sa Highway Patrol Group, Aviation Security Group, at Maritime Group.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan upang matiyak ang mapayapa at maayos na paggunita ng Labor Day.
Sa Metro Manila, ilang grupo na ang nag-apply ng permit para magsagawa ng rally sa mga pangunahing lugar tulad ng malapit sa US Embassy sa Maynila, University of the Philippines Diliman, Welcome Rotonda, at Department of Social Welfare and Development sa Quezon City. Gayunman, sinabi ng pulisya na ang mga permit ay hindi pa aprubado.
Tiniyak ni Tuaño na mananatiling non-partisan at apolitical ang PNP habang pinangangalagaan ang kaligtasan ng mga raliyista at ng publiko. Wala rin umanong namomonitor na partikular na banta kaugnay ng mga aktibidad sa Labor Day, ngunit nakahanda na ang mga seguridad kung sakaling kailanganin.
Nanawagan din ang mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa pulisya at sumunod sa mga lokal na ordinansa sa paggunita ng Araw ng Paggawa. Santi Celario