Home HOME BANNER STORY House Justice panel nakakita ng ‘probable cause’ para ma-impeach si VP Sara

House Justice panel nakakita ng ‘probable cause’ para ma-impeach si VP Sara

75
0

MANILA , Philippines – Nagkaisang bumoto ang House committee on justice nitong Miyerkules upang kilalanin ang pagkakaroon ng probable cause para i-impeach si Vice President Sara Duterte batay sa dalawang reklamong inihain laban sa kanya.

Ayon kay panel chairperson at Batangas Second District Rep. Gerville Luistro, lahat ng 53 miyembrong dumalo ay sumang-ayon at walang tumutol sa botohan.

Nabuo ang desisyon matapos ang apat na araw ng pagdinig kung saan inilahad ang iba’t ibang ebidensiya, kabilang ang testimonya ni detainee Ramil Madriaga na nagsabing naglabas siya ng P125 milyong confidential funds sa loob ng 24 oras sa pamamagitan ng cash deliveries sa Laguna, Quezon City, at Office of the Ombudsman.

Lumagda rin si Madriaga ng bank waiver at iginiit na maaaring pinondohan ng Pharmally ang kampanya ng Bise Presidente.

Iniulat naman ng Commission on Audit (COA) na pinagtibay ang notice of disallowance sa P73 milyong confidential funds noong 2022, habang kinumpirma ni COA lawyer Gloria Camora ang tatlo pang notice of disallowance sa 2023 na umaabot sa kabuuang P375 milyon.

Binanggit din sa mga pagdinig ang mga kuwestiyonableng resibo at umano’y mga benepisyaryo ng confidential funds, kung saan sinabi ng Philippine Statistics Authority na walang record sa civil registry ang mga pangalang Mary Grace Piattos, Milky Secuya, at Kokoy Villamin.

Napansin din ng mga mambabatas na walang dineklarang cash on hand o sa bangko si Duterte sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth mula 2019 hanggang 2024.

Ayon sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), umabot sa P6.7 bilyon ang bank transactions nina Duterte at ng kanyang asawa na si Manases Carpio mula 2006 hanggang 2025 na itinuring na covered at suspicious, kung saan P4.425 bilyon ang inflow at P1.55 bilyon ang outflow. Binanggit din ang ilang confidential reports na nag-uugnay sa kanila sa mga hinihinalang aktibidad tulad ng drug trafficking, graft, at maling paggamit ng pondo ng bayan.

Kinumpirma rin ng AMLC na hindi bababa sa 18 bank transactions na binanggit sa affidavit ni dating senador Antonio Trillanes IV ay tumutugma sa kanilang mga ulat.

Samantala, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang video kung saan nagbanta si Duterte laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa kanyang pamilya ay maaaring pumasok sa inciting to sedition at tatlong bilang ng grave threat.

“Hindi ito alegasyon lamang. Kung probable cause ang pag-uusapan, ito (mga ebidensiya) ay sobra-sobra pa,” pahayag ni House Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima.

“This [totality of revelations] is a red flag of the highest order,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Luistro na sapat na ang due process na ibinigay ng komite, at ilang beses umanong inimbitahan ang Bise Presidente ngunit tumanggi itong sumagot sa mga alegasyon.

“We have provided so much due process already,” ani Luistro.

Sa panig ni Rep. Benny Abante, iginiit niya ang testimonya ni Madriaga na ang kampanya ni Duterte ay pinondohan ng mga ilegal na aktibidad mula sa POGO at droga, kabilang ang mga “payouts” mula sa mga personalidad na gaya nina Sammy Uy at Michael Yang.

Muling binigyang-diin ni Abante ang seryosong banta ni Duterte sa buhay ng Pangulo, First Lady, at dating Speaker.

“Ang isang mataas na opisyal na nagpapahayag ng karahasan sa halip na kapayapaan ay hindi karapat-dapat sa kaniyang pwesto. Ito ay malinaw na Betrayal of Public Trust,” ani Abante.

Kasunod ng botohan, iniutos na ang pagsasama o “consolidation” ng dalawang reklamo upang maging isang komprehensibong Articles of Impeachment.

Kapag nakakuha ng one-third vote sa plenaryo ng Kamara, pormal nang iaakyat ang kaso sa Senado, na magsisilbi namang Impeachment Court para litisin ang Bise Presidente.

Iniuugnay sa impeachment complaints ang Bise Presidente sa betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, pagbabanta sa Pangulo at kanyang pamilya, at hindi maipaliwanag na yaman. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here