Home LIFESTYLE HEALTH World Immunization Week: Pagbabakuna, palakasin pa – grupo

World Immunization Week: Pagbabakuna, palakasin pa – grupo

265
0
(c) Danny Querubin

MANILA, Philippines — Kasabay ng paggunita sa World Immunization Week, pinaigting ng Mercury Drug, katuwang ang Philippine Foundation for Vaccination (PFV), ang kampanya upang mapataas ang kamalayan at mapalawak ang access sa pagbabakuna, lalo na sa pamamagitan ng mga botika na mas madaling puntahan ng publiko.

Ayon sa datos, tinatayang nasa 67% ng mga Pilipino ay kabilang sa labor force na sumusuporta sa kanilang pamilya at sa ekonomiya. Gayunman, nananatiling mababa ang vaccination coverage dahil sa iba’t ibang hadlang tulad ng limitadong access, kakulangan sa kaalaman, at gastos na mula sa sariling bulsa.

(c) Danny Querubin

Binigyang-diin ni Dr. Lulu Bravo, Executive Director ng PFV, na ang tema ngayong taon na “For Every Generation, Vaccines Work” ay paalala na hindi lamang para sa mga bata ang proteksyon mula sa bakuna.

“Habang tayo ay tumatanda, humihina ang ating resistensya. Mahalaga ang napapanahong pagbabakuna lalo na sa mga high-risk group gaya ng matatanda at may chronic conditions upang maiwasan ang malubhang komplikasyon at pagkaka-ospital,” ani Bravo.

Samantala, sinabi naman ni Bryan Posadas, Vice President ng PFV, na bukod sa awareness, malaking hamon pa rin ang access sa bakuna. Aniya, mahalaga ang pagiging accessible at visible ng vaccination services upang mahikayat ang mas maraming tao.

“Kapag ang bakuna ay available sa mga lugar na madalas puntahan ng tao para sa kanilang kalusugan, mas nagiging madali ang pag-aksyon at pagsasakatuparan ng proteksyon,” aniya.

Dahil dito, kinikilala na ngayon ang mga botika bilang mahalagang access point para sa pagbabakuna, kung saan mas napapalapit sa pang-araw-araw na routine ng mga Pilipino ang preventive healthcare.

Ayon kay Corazon Lim, Vice President for Merchandising ng Mercury Drug, malaki ang papel ng mga botika sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan.

“Ang mga botika ang kadalasang unang pinupuntahan ng mga Pilipino para sa kanilang health needs, lalo na sa preventive services. Matagal na naming isinusulong ang pharmacy-based vaccination sa pamamagitan ng mga programang tulad ng ‘Vax Saturdays’,” ani Lim.

Dagdag pa niya, napatunayan ang kahalagahan ng mga botika bilang vaccination hubs noong panahon ng pandemya, kung saan naging mabilis at maginhawa ang pagbabakuna kumpara sa mga ospital o klinika. Maaari rin umanong magpa-schedule nang maaga ang mga nais magpabakuna.

Bilang bahagi ng kampanya, nagsagawa ang Mercury Drug, sa suporta ng PFV, ng in-store vaccination event sa kanilang sangay sa Shangri-La Plaza Mall, na sinundan ng media roundtable na may temang “Basta Vaxx, Facts Lang.” Dito, nagbahagi ang mga eksperto at vaccine advocates ng kanilang mga karanasan kung paano nakatutulong ang bakuna sa proteksyon ng kanilang sarili at pamilya.

Sa huli, iginiit ng Mercury Drug at PFV na ang pagpapalakas ng vaccination coverage ay hindi lamang nagpoprotekta sa indibidwal kundi nakatutulong din sa pagbawas ng pasanin sa healthcare system at sa pangkalahatang layunin ng bansa sa immunization.

Hinimok nila ang publiko na maging mas aktibo sa pangangalaga ng kalusugan sa pamamagitan ng pagkonsulta sa kanilang mga doktor hinggil sa mga bakunang angkop sa kanilang edad at kondisyon. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here