MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan ni Negros Occidental Third District Representative Javier Miguel Benitez ang nangyaring engkwentro sa Barangay Salamanca, sa Toboso Negros Occidental kung saan 19 katao ang nasawi.
Base sa inihaing House Resolution No. 968 ni Benitez, hinihiling nito sa appropriate committee ng House of Representatives na busisiin ang insidente.
“The resolution calls for a formal investigation into the incident involving troops of the 79th Infantry “Masaligan” Battalion under the 303rd Infantry Brigade of the Philippine Army and individuals allegedly affiliated with the New People’s Army last April 19,” pahayag ni Benitez.
Sa 19 na nasawi, dalawa ang United States citizens habang walang nasawi sa mga miyembro ng Philippine Army.
Layunin ng imbestigasyon na mailatag ng klaro at tumpak na impormasyon kaugnay sa insidente sa gitna ng magkakasalungat na public narratives.
Sabi ni Benitez, ang panukalang imbestigasyon ng Kamara ay magbibigay ng isang neutral na lugar para sa lahat ng panig at maglalaan sa kanila ng pantay na pagkakataon upang maglahad ng ebidensya, kanilang bersyon ng mga pangyayari, magsumite ng mga ulat, at ipaliwanag ang kanilang mga salaysay.
Layunin din ng resolusyon na matukoy kung kinakailangan ng legislative action para hindi na maulit ang kahalintulad na insidente.
Sa ilalim ng resolusyon, nais nitong ipatawag ang mga concerned government agencies at relevant stakeholders para makapagsumite ng dokumento, reports, at iba pang material evidence na magbibigay suporta sa imbestigasyon. RNT