ZAMBOANGA, Philippines – Inirekomenda ng Special Investigation Task Group (SITG) ALFAD ang pagsasampa ng administrative cases laban sa mga pulis na sangkot sa sablay na operasyon noong Abril 23 sa Barangay Sinunuc, Zamboanga City na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong sibilyan at pagkasugat ng isa pa.
Ayon sa Police Regional Office 9 (PRO9), ang hakbang ay dahil sa “identified procedural lapses and non-compliance” sa operational procedures ng Philippine National Police at National Police Commission Memorandum Circular 2016-002.
“These recommendations are part of our commitment to conduct the investigation with the utmost integrity,” pahayag ng PRO9. Dagdag pa nito, “We assure the public that all personnel found liable will be held strictly accountable.”
Sinabi ng mga awtoridad na ang administrative cases ay dagdag sa nauna nang criminal charges laban sa ilang sangkot, upang matiyak ang pananagutan sa ilalim ng batas at sa loob ng institusyon.
Noong Abril 23, tatlong miyembro ng Alfad family ang nasawi at isa ang nasugatan sa joint operation ng AFP at PNP na layuning ipatupad ang warrant of arrest laban kay Saddam Siddik na nahaharap sa multiple murder cases sa Basilan. Ayon sa mga awtoridad, nauwi ito sa armadong sagupaan.
Noong Abril 29, nagsampa ng reklamo ang mga pulis ng Zamboanga City Police Office laban sa dalawang sundalo ng AFP ng multiple murder at frustrated multiple murder, at hiwalay na kaso ng criminal negligence laban sa ilang opisyal at tauhan ng Philippine Army.
Kabilang sa mga isinangkot sina Col. Danilo Ambe, Maj. Voltair Herrera, at iba pang sundalo.
Patuloy na iniimbestigahan ng SITG ALFAD ang insidente sa pamamagitan ng sworn statements at forensic examinations, habang tiniyak ng PRO9 na magiging patas at transparent ang imbestigasyon at makakamit ang hustisya para sa mga biktima. RNT/MND