Home NATIONWIDE Totoong impormasyon, ‘di maling narratives sa flood control probe ipinangako ni Lacson

Totoong impormasyon, ‘di maling narratives sa flood control probe ipinangako ni Lacson

89
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na dapat iharap sa publiko ang mga totoong impormasyon, hindi maling salaysay, kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects.

Bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Lacson na ilalahad niya sa plenaryo ang progress report mula sa 7 hanggang 8 hearing ng komite upang maipakita ang kanilang mga natuklasan at maiwasan ang disinformation.

“I am decided to bring up in plenary the contents and more of what we have accomplished so far. The Filipino people not only deserve to be updated but more so properly and accurately informed amid the false narratives being floated by some critics,” ani Lacson.

Ipinaliwanag niya na ang paglagda sa partial report ay hindi nangangahulugang lubos na pagsang-ayon, kundi para ito ma-debate at maamyendahan sa plenaryo.

Dahil kulang pa sa pirma ang partial report, sinabi ni Lacson na maghahain siya ng chairman’s progress report sa pamamagitan ng privilege speech.

Dagdag niya, iginagalang niya ang desisyon ng ibang senador na hindi pumirma, kabilang si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano. “While I disagree with those who do not want to sign, let me be clear that I respect and understand their individual decisions…,” ani Lacson.

Ayon pa sa kanya, ang mga pagdinig ay naglabas ng mahahalagang ebidensya na nakatulong sa pagbuo ng mga kaso laban sa mga sangkot sa umano’y korapsyon sa flood control projects.

Binigyang-diin din niya na ang naging imbestigasyon ay naudyukan matapos ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa SONA na “Mahiya naman kayo.”

Samantala, sinabi ni Cayetano na masyadong pinalalaki ang usapin ng partial report at dapat mas tutukan ang kabuuang imbestigasyon.

“Sa tingin ko, we’re making a mountain out of a molehill doon sa partial report,” ani Cayetano.

Dagdag niya, may mga bahagi ng report na hindi pinagkakasunduan ng ilang senador kaya hindi pa ito napipirmahan.

“Marami sa amin ang nakabasa na and we don’t agree with the report… That’s the beauty of having 24 senators – everyone can question,” aniya.

Giit din niya na hindi pa tapos ang imbestigasyon at marami pang lalabas na impormasyon. “Ako personally, hindi pa tapos… marami pang yugto, marami pang nabubuksan,” dagdag niya.

Parehong iginiit ng dalawang senador ang kahalagahan ng transparency at pag-alam sa buong katotohanan, ngunit magkaiba sa paraan ng paglapit sa ulat ng komite. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here