Home NATIONWIDE Legarda: Aksyon ng gobyerno kailangan sa taas-presyo ng langis, pagkain

Legarda: Aksyon ng gobyerno kailangan sa taas-presyo ng langis, pagkain

86
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Loren Legarda noong Labor Day para sa agarang aksyon ng pamahalaan upang maibsan ang bigat na nararanasan ng mga manggagawang Pilipino dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at pagkain.

Ayon kay Legarda, hindi lamang sahod ang isyu kundi ang “survival at dignidad” ng mga manggagawa sa gitna ng krisis sa ekonomiya.

Aniya, apektado ang iba’t ibang sektor: bumababa ang kita ng mga drayber, gumagastos nang mas malaki sa gasolina at maintenance ang riders, nahihirapan ang mga magsasaka sa mahal na input costs, at tumataas din ang gastos ng mga mangingisda. Dahil dito, lumiit ang kakayahan ng mga pamilya na bumili ng pangunahing pangangailangan.

“Every worker has the right to humane work, fair wages, and decent livelihood. I feel the burden carried by every family amid high fuel and commodity prices. The fight for workers’ rights is also a fight for the future of our country,” ani Legarda.

Muling inihirit ng senador ang suspensyon ng excise tax at VAT sa diesel at gasolina upang bumaba ang presyo ng pamasahe at gastos sa transportasyon, na makatutulong din sa mga magsasaka at mangingisda.

“When taxes on fuel are reduced, diesel prices will go down and fares will ease… We need fast and clear action now,” dagdag niya.

Ipinunto rin niya ang ilang panukalang batas tulad ng Differentiated VAT Rates Act, Murang Bilihin at Serbisyong Medikal Act, at Removal of VAT on Electricity Charges na layuning gawing mas abot-kaya ang pagkain, kalusugan, at kuryente.

Nakapaloob din sa kanyang mga panukala ang Living Wage Act (batayan ang living wage sa minimum wage setting), P200 Daily Minimum Wage Increase Act of 2026 (₱200 dagdag sahod kada araw sa minimum wage earners), Calamity Work Compensation Act (30% dagdag sahod o suporta sa panahon ng kalamidad), at Pangkabuhayan Act of 2025 (pondo at programa para sa MSMEs at livelihood).

Binigyang-diin din ni Legarda ang kanyang matagal nang adbokasiya sa mga batas para sa manggagawa, kabuhayan, at proteksyon sa mahihirap, at nangakong ipagpapatuloy ang pagsusulong ng mga polisiyang magpapagaan sa buhay ng mga Pilipino sa gitna ng krisis. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here