MANILA, Philippines – Nagsagawa ng kauna-unahang jetski flag ride ang civil society coalition na Atin Ito nitong Linggo, Mayo 3 sa dagat na sakop ng Pag-asa Island.
“Dahil isang Mindanaoan ang nangako at nambudol ng jetski ride sa West Philippine Sea, isa ring Mindanaoan at babae ngayon ang nanindigan para gawin ito para sa ating bansa,” saad sa pahayag ni Akbayan Rep. Dadah Kiram Ismula, na nanguna sa jetski flag ride.
Tinutukoy niya ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kampanya noong 2016 tungkol sa pagsakay sa jetski sa West Philippine Sea para igiit ang soberanya ng Pilipinas na kalaunan ay tinawag ni Duterte na biro lang.
Ang Atin Ito mission ay nagsimula 5:40 ng umaga na binubuo ng maliit na team ng mga volunteer at pinangunahan ni Ismula.
“Matagumpay po nating naitaas ang ating bandila sa Pag-asa Cay 2 sa kabila ng mabigat na presensiya ng Tsina,” ani Ismula. RNT/JGC