Home OPINION ZALDY CO, GUTEZA, 18 MARINES EBIDENSYA NG OMB VS ROMUALDEZ

ZALDY CO, GUTEZA, 18 MARINES EBIDENSYA NG OMB VS ROMUALDEZ

79
0

TOTOO kaya ang pahayag ni dating AnaKalusugan Partylist Representative Mike Defensor sa isang press conference kamakailan na kasama sa mga ebidensya sa mga kasong ihahain ng Office of the Ombudsman laban kay ex-Speaker Martin Romualdez ang video message ni dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co, affidavit ni dating Sgt. Orly Guteza at pahayag ng ilan sa 18 Marines sa National Bureau of Investigation?

Ginawa ni Defensor ang pahayag sa Pandesal Forum, Quezon City nitong nakaraang Miyerkules, Abril 29, 2026 at may hawak itong kopya na umano’y certified true copy ng mga kasong plunder, direct bribery, indirect bribery at graft mula sa OMB.

Kabilang sa mga inilahad ni Defensor ang pagpapabago umano ng mga humahawak kay Guteza sa kanyang affidavit na isinumite sa Senate Blue Ribbon Committee.

Binubuo ng pagbabago ng pagsasabing binayaran siya nina Defensor at Senador Rodante Marcoleta at wala siyang delivery sa bahay ni Romualdez.

Kaya naman, nanawagan si Defensor kay Ombudsman Boying Remulla na hanapin at bigyan ng proteksyon si Guteza.

Matatandaang sinabi ni Co na tama ang mga pinagsasabi ni Guteza sa Senate Blue Ribbon committee sa isa sa kanyang video messages.

Ilan naman na pahayag ng 18 Marines sa National Bureau of Investigation ang umano’y isinama bilang ebidensya.

Si Co naman, hindi tinanggap ng nasabing komite ang kanyang video message dahil dapat umanong humarap ito at pirmahan ang kanyang mga pahayag sa harapan ng publiko o sa harap ng nasabing komite.

Sa kabila nito, sinasabi ni Defensor na isinama pa rin ng Ombudsman ang video message ni Co.

May problema nga lang.

Hanggang sa tinitipa ito, mga brad, hindi pa nagsasampa ng kaso ang Ombudsman sa Sandiganbayan.

Magkakaroon pa rin kaya ng pagbabago rin sa mga ebidensyang binabanggit Defensor?

Tingnan na lang natin sa aktwal na pagsasampa ng kaso kung ang mga testimonya nina Co, Guteza at 18 Marines ay lalamunin ng complaint o sumbong.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here