HINDI na nakagugulat kung puno ang mga kalsada natin ng mga kolorum na motorcycle taxi at Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Itong mga motorcycle taxi ay sa ilalim ng Motorcycle Taxi Platform Providers (MTPPs) habang nasa ilalim ng Transport Network Companies (TNCs) ang mga TNVS.
Matagal nang inirereklamo ang sangkaterbang kolorum ng mga operator at tsuper at kasama sa mga inirereklamo rin ang maraming jeepney na kolorum din.
Ang mga kolorum ang isang napakalaking dahilan kung bakit nawawalan o nagkakandalugi-lugi ang mga may lehitimong prangkisa sa pampublikong transportasyon.
Nauna at matagal na ngang sakit sa ulo ng mga may lehitimong prangkisa ang mga kolorum, dumating pa ang krisis sa langis kaya lalong nawawalan o nalulugi ang mga lehitimo ang pamamasada.
NADISKUBRE SA PAMIMIGAY NG AYUDA
Nadiskubre nina Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian ang mga kolorum habang namimigay sila ng ayuda sa sa mga operator at tsuper, partikular ang sa mga motorcycle taxi at TNVS.
Sobra -sobra ang bilang ng mga gustong kumubra ng ayuda at hindi magkandaugaga sa pamimigay ang DSWD at lumitaw na marami ang hindi nakalista sa mga kumukubra.
Mahigit umanong 50,000 ang mga kolorum.
Nang magpatulong ang DSWD sa Department of Transportation sa ilalim ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez upang maayos ang pamimigay ng ayuda at dapat batay sa tamang rekord, hayun, anak ng tokwa, lumitaw ang mga kolorum.
Paliwanag ng DOTr, dapat nasa 78,000 lang ang mga motorcycle taxi habang nasa 54,000 lang ang TNVS.
Pero lumitaw na may 200,000 na palang motorcycle taxi habang may 100,000 namang TNVS.
Dahil dito, inorderan na ng DOTr ang lahat ng MTPP at TNC na tumigil na sa pagkuha o pagtanggap ng mga bagong tsuper at rider.
Inutusan na rin ni Lopez ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na ipatupad ang hindi pagkuha ng mga bagong tsuper at rider.
Sinabi pa ni Lopez na may mali sa sistema o kaya may kasalanan mismo ang mga opisyal ng pamahalaan dito.
Aniya, “Sabi ko, mayroong kasalanan din dito ang mga government officials… kasi hindi pwedeng hindi niyo alam with such magnitude na napakalaki ang sobra, ang colorum ay either nagbubulag-bulagan ka o hindi nakikita.”
Sa puntong ito, abangan na lang natin kung mag-iimbestiga at magpaparusa si Lopez sa mga nagpabaya o nagbubulag-bulagan sa problema sa daan-daang libong kadahilanan, bukod sa pagpaparusa sa mga MTTP at TNC.
KAYA NAGKANDATRAPIK-TRAPIK AT MARAMING DISGRASYA
Unang ibinubunga siyempre ng sobrang bilang ng mga kolorum ang sobrang trapik.
Pero higit dito, paano ang pananagutan sa mga disgrasya na ikinapapahamak ng mga pasahero, tsuper at ibang nadadamay sa mga disgrasya?
Madaling panagutin ang mga mga kolorum kung nahuhuli at hindi makatakas makaraan ang disgrasya.
Pero paano ang mga opisyal ng gobyerno na maaaring pinepera ang lahat sa kolorum?
Dito masusubok ang katapatan nina Lopez sa pagpapatupad ng batas hindi lang laban sa mga violator na MTTP at TNC kung maging sa mga pabaya o namemera sa mga kolorum na opisyal ng gobyerno.
O paano?






