Home METRO Moratorium sa bayad ng housing loan, ipinatupad sa Bicol Region

Moratorium sa bayad ng housing loan, ipinatupad sa Bicol Region

76
0

BICOL, Philippines – Bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa full government response, iniutos ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang moratorium sa pagbabayad ng housing amortization sa Region 5 (Bicol) para sa mga apektado ng pagputok ng Mayon Volcano.

Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, inatasan ang Pag-IBIG Fund, Social Housing Finance Corporation, at National Housing Authority na ipatupad ang moratorium upang matulungan ang mga apektadong pamilya.

Samantala, ang National Home Mortgage Finance Corporation ay may umiiral nang moratorium para sa kanilang mga miyembro kaugnay ng state of energy emergency.

“Alinsunod sa direktiba ng Pangulong Marcos Jr. na ihatid ang lahat ng tulong sa ating mga kababayang apektado ng eruption, magpapatupad po ang ating mga key shelter agencies (KSAs) ng moratorium sa monthly amortization para sa kanilang housing loans,” ayon kay Aliling.

“Ito po ang ambag ng DHSUD at KSAs sa whole-of-government response na iniutos ng Pangulo, upang hindi na muna aalalahanin ng mga apektadong residente ang pambayad sa kanilang amortization,” dagdag niya.

Maglalabas pa ng detalyadong guidelines ang mga ahensya tungkol sa saklaw, panahon, at iba pang detalye ng moratorium.

Noong Linggo, iniutos ni Pangulong Marcos ang agarang pagtulong ng mga ahensya sa mga komunidad na apektado ng ashfall sa Albay, lalo na sa Guinobatan at Camalig, upang maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng publiko at matiyak ang access sa pangunahing serbisyo.

Bukod sa moratorium, inatasan din ang DHSUD Region 5 na makipag-ugnayan sa ibang ahensya, lalo na sa Office of the Civil Defense, upang mapabilis ang pagbibigay ng housing assistance.

“Nakahanda po ang DHSUD na makipagtulungan sa iba pang ahensya ng gobyerno upang mas maximize po natin ang assistance sa ating mga kababayan, at mapabilis ang paghatid nito sa mga higit na nangangailangan,” dagdag ni Aliling.

Hindi bababa sa 52 barangay sa iba’t ibang bayan sa Albay ang matinding naapektuhan ng makapal na ashfall mula sa Mayon Volcano. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here