MANILA, Philippines – Yumanig ang isang magnitude 6.1 na lindol sa isang bayan sa Eastern Samar nitong Lunes ng hapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Naitala ang lindol bandang 2:09 p.m. at tectonic ang pinagmulan nito. Ang epicenter ay nasa 9 kilometro hilagang-kanluran ng San Julian, Eastern Samar, na may lalim na 10 kilometro.
Naitala ang Intensity V sa Can-Avid, Eastern Samar; Dulag at Alangalang, Leyte; at Gandara, Samar.
Naitala naman ang Intensity IV sa Abuyog, Palo, at Carigara sa Leyte.
Intensity III naman ang naramdaman sa Naval (Biliran), Hernani (Eastern Samar), Ormoc City, Hilongos, Albuera, Baybay, Villaba, at Isabel (Leyte), pati na rin sa Sorsogon City at Bulusan (Sorsogon), at ilang bayan sa Southern Leyte.
Naitala rin ang Intensity II sa ilang lugar sa Biliran, Cebu, at Masbate, habang Intensity I naman sa ilang bahagi ng Albay, Cebu City, Davao Occidental, Iloilo, Masbate, Sorsogon, at Southern Leyte.
Ayon sa Phivolcs, inaasahan ang aftershocks at posibleng pinsala sa mga istruktura matapos ang lindol. RNT/MND