MANILA, Philippines – Tinawag ng Chinese government na “infringement of territorial sovereignty” ang anim na araw na misyon ng Atin Ito sa West Philippine Sea, na kinabibilangan ng “patriotic jetski flag ride” at pagtanim ng bandila ng Pilipinas sa lugar.
Ayon kay Chinese Embassy Deputy Spokesperson Guo Wei, ang Tiexian Jiao na tinatawag nilang Pag-asa Cay 2 ay bahagi ng Nansha Islands ng China at isang walang nakatirang bahura.
“The Philippines’ dispatch of personnel to illegally land on the reef constitutes an infringement of China’s territorial sovereignty and violates relevant provisions of the Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC),” ayon kay Wei.
Dagdag pa niya: “China will continue to take necessary measures in accordance with the law, resolutely safeguard the country’s territorial sovereignty, and firmly uphold the sanctity of the DOC.”
Samantala, isinagawa ng Atin Ito coalition—na binubuo ng volunteers, mangingisda, artista, at reporters—ang kanilang ikaapat na civilian mission na tinawag na “Balik-Pag-asa.”
Bilang bahagi ng misyon, si Akbayan Party-list Rep. Dadah Kiram Ismula ay nag-jetski at nagtanim ng bandila ng Pilipinas sa Pag-asa Island Cay 2 upang igiit ang sovereign rights ng bansa sa pinag-aagawang teritoryo.
Pinangunahan ito ni Atin Ito co-convenor at mission commander Rafaela “Paeng” David at dinaluhan ng humigit-kumulang 180 katao na sakay ng pangunahing barko at support vessel na ML Chowee. Isinagawa ang biyahe mula April 30 hanggang May 5.
Ayon sa mga organizer, may political message din ang aktibidad na tumutukoy sa hindi natupad na pangako ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mag-jetski sa West Philippine Sea upang igiit ang karapatan ng bansa.
Giit ng Atin Ito, layunin ng misyon na palakasin pa ang presensya ng mga sibilyan sa West Philippine Sea bilang bahagi ng kanilang naunang mga aktibidad sa lugar. RNT/MND