Home NATIONWIDE Jay Sonza nakalaya matapos makapagpiyansa

Jay Sonza nakalaya matapos makapagpiyansa

62
0

MANILA, Philippines – Nakalaya na sa detention center si Jay Sonza matapos makapagpiyansa.

Sa ulat, nakalabas ng detention center si Sonza pasado alas-7 ng gabi matapos mag-isyu ng release order ang Pasay Regional Trial Court Branch 118.

Ayon sa abogado ni Sonza na si Atty. Mark Tolentino, humingi ng paumanhin ang korte sa arrest warrant na nagsabing ang kaso ni Sonza ay non-bailable.

Ang warrant na tumukoy sa non-bailable Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa kaso ni Sonza ay dapat na unlawful use of means of publication and unlawful utterances.

Sinabi pa ng korte na ang term na “not bailable” ay hindi mula sa kanila kundi sa Philippine National Police e-warrant system, na system-generated.

“That’s why minadali din po ng NBI na mabigay kaagad ‘yung return of warrant of arrest para ‘yung court can clarify kung ano talaga ‘yung nature nung warrant and ang court naman, in fairness to the court, on day two, that was a Saturday, issued that order, saying, ni-rectify that there should be a bail recommended,” ayon kay National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag.

Ipinagpaliban naman ang arraignment ni Sonza matapos maghain ng motion to quash ang abogado nito na humihiling sa dismissal ng kasong may kaugnayan sa umano’y pagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ani Tolentino, walang hurisdiksyon ang Pasay RTC sa kaso dahil ang Pangulo ay nakatira sa Maynila.

“Kasi, the alleged party is the President of the Philippines. Sabi ng batas, kung saan nangyari ang alleged na krimen, doon dapat i-file ang kaso. So saan ba nasaktan ang damdamin ng ating Presidente, yung kanyang damdamin, allegedly nasaktan. Nandito ba sa Pasay? Hindi. Kung may nasaktan siya, allegedly nasaktan siya, wala akong pag-amin, allegedly nasaktan siya doon sa Maynila, hindi dito,” sinabi ni Tolentino.

Idinagdag pa na hindi maaaring magsampa ng kaso ang NBI dahil hindi ito ang aggrieved party, kundi ang Pangulo mismo.

“Nasa korte na po ito. It will be the court to decide on the matter, which the Regional Trial Court in Pasay will decide. It was the investigation of the National Bureau of Investigation. Kami po yung nag-case build-up, kami po yung nag-file sa DOJ and ang opisina ng NBI ay nasa Pasay,” ani Matibag.

Binigyan ang DOJ ng 10 araw para magkomento sa inihaing motion to quash. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here