MANILA, Philippines – Bibigyan ng sapat na panahon ang lahat ng 318 miyembro ng Kamara para basahin ang mga articles of impeachment laban kay Vice President Sara. Duterte bago ang inaasahang plenary vote sa Mayo 11, ayon kay House Justice Committee Chairperson Gerville Luistro.
“They should be given reasonable time to read and study the same before the plenary vote. That’s part of due process” paliwanag ni Luistro.
Paliwanag ni Luistro, kapag na-refer na sa Rules pabalik sa plenaryo, agad na magpapadala ng kopya sa lahat ng mambabatas, sa Pangalawang Pangulo bilang respondent, at sa mga complainant.
“After pang mai-refer ng Rules back to the plenary, the plenary should order, should direct the Secretary General to provide copies to all the House members,” ani Luistro.
Mula sa puntong iyon, magkakaroon ng limang araw ang mga mambabatas para busisiin ang mga dokumento at ebidensya bago ang botohan sa Mayo 11.
“So if that will happen today, then we have Wednesday, Thursday, Friday, Saturday, Sunday. I think five days is reasonable period for the House members to be able to read and study,” giit ng mambabatas. “From my perspective as the justice chair, I think by May 11, the plenary should be ready to vote.”
Binigyang-diin naman ni Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor ng Iloilo na sadyang matagal ang proseso upang matiyak na hawak ng Kamara ang lahat ng katotohanan bago ang botohan.
“Sadyang matagal ang proseso ng impeachment kasi dapat mabigyan ng pagkakataon na mailatag ang ebidensya para magkaroon kami ng sapat na batayan para makaboto at kung nais ni Vice president na sumagot ay may panahon at pagkakataon siya sumagot,” ani Defensor.
Samantala, kumpiyansa si Defensor na sapat ang numero para maimpeach si Duterte dahil sa linaw ng ebidensya at ang kawalan ng paliwanag mula sa panig ni Duterte.
“Marami pong pwedeng pumanig sa vice president kung may nakita silang ebidensyang nasagot naman pala ang mga alegasyon sa impeachment complaint. But now it’s very hard to explain to our constituents why you will vote no or you will vote against the impeachment na wala namang sagot at wala namang justification. Walang naipaliwanag,” pagtatapos ni Defensor. Gail Mendoza