Home NATIONWIDE Bill laban sa diskriminasyon sa kababaihan sa trabaho, lusot na sa Kamara

Bill laban sa diskriminasyon sa kababaihan sa trabaho, lusot na sa Kamara

68
0

MANILA, Philippines – Sa botong 227 na pabor, pormal nang ipinasa ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagpapalawak sa mga ipinagbabawal na acts of discrimination laban sa mga kababaihan sa pinagtatrabahuhan.

Layunin ng House Bill (HB) No. 7704 na patatagin ang proteksyong legal ng mga babaeng manggagawa laban sa hindi pantay na pasahod, bias sa promosyon, unfair assignment, pagkakait ng benepisyo, at pagkakasibak sa trabaho nang dahil lamang sa kasarian.

Ayon kay House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, isa sa mga pangunahing may-akda, in-update ng naturang bill ang Labor Code upang masalamin ang tunay na kalagayan ng diskriminasyon sa kasalukuyang panahon.

“Discrimination is not always loud or obvious. Sometimes it is hidden in lower pay, fewer assignments, withheld benefits or decisions that quietly push women aside, and that is exactly the kind of workplace we want the law to address,” ani Marcos.

Inaamyendahan ng panukala ang Article 133 ng Labor Code kung saan ituturing nang labag sa batas para sa isang employer ang magkaroon ng diskriminasyon sa kahit sinong babaeng empleyado base lamang sa kasarian pagdating sa terms and conditions ng trabaho.

Kabilang sa mga mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng panukala ang pagbibigay ng mas mababang sahod, remuneration, at fringe benefits sa mga babae kumpara sa lalaki para sa trabahong may katumbas na halaga, favoritism sa mga lalaki pagdating sa promosyon, assignment, at employment benefits, pagpabor sa mga lalaki sa oras ng sibakan o retrenchment policy base lamang sa kasarian, at pagkakait ng anumang statutory benefits sa mga kababaihan sa ilalim ng umiiral na mga batas.

Binigyang-diin din sa bill ang karagdagang proteksyon para sa mga buntis kung saan bawal sibakin ang isang empleyado dahil sa pagbubuntis, habang nasa leave, o habang naka-confine dahil sa panganganak.

Bawal din sa mga employer na tanggihan ang pagbabalik sa trabaho ng isang babae dahil lamang sa pangambang muli itong mabuntis sa hinaharap.

Ayon pa kay Marcos, kung tuluyang magiging batas, malaki ang maitutulong nito sa mga ordinaryong manggagawang Pilipina.

“For many women, equal opportunity begins with very concrete things: the same pay for the same value of work, a fair chance at promotion, protection during pregnancy and assurance that benefits cannot be denied just because of gender,” dagdag pa ng mambabatas.

Ang mga employer na mapapatunayang lumabag o nagtangkang lumabag sa batas ay mahaharap sa multa na P50,000 hanggang P200,000, pagkakakulong ng isang taon hanggang dalawang taon, o pareho, depende sa desisyon ng korte.

Maaari pa ring magsampa ng hiwalay na civil action ang biktima para sa sahod, benepisyo, at danyos kahit may hatol na ang korte sa criminal case. Ang sinumang napatunayang tumulong o nag-udyok sa diskriminasyon ay ituturing ding liable gaya ng employer. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here