Home NATIONWIDE Sirit-inflation, mahinang piso, mahal na langis, sinita ni VP Sara

Sirit-inflation, mahinang piso, mahal na langis, sinita ni VP Sara

68
0

MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pag-aalala si Vice President Sara Duterte hinggil sa patuloy na pagtaas ng inflation, paghina ng piso, at mataas na presyo ng langis, kasabay ng panawagan ng mas pinalakas na ayuda para sa mga mahihirap na sektor at babala laban sa umano’y troll farms na ginagamit laban sa kanya bago ang 2028 elections.

Sa panayam sa The Hague, Netherlands, tinukoy ni Duterte ang kasalukuyang sitwasyon bilang “triple whammy.”

“Triple whammy ang nangyari sa atin: Sobrang taas na presyo ng fuel, krudo. Sobrang taas nu’ng palitan, exchange, dollar exchange. Sobrang taas nu’ng inflation,” ani Duterte.

Hinimok niya ang pamahalaan na unahin ang tulong sa mga pinaka-nangangailangan, lalo na sa pagkain, at nagbabala na maaaring mauwi sa krimen ang lumalalang kahirapan.

“Sa akin lang, kung hindi man kaya tulungan ng administrasyon ng gobyerno lahat, dapat tulungan nila ‘yung mga pinaka nasa ilalim na hindi na talaga nila makaya kahit man lang ‘yung simple pagbili ng pagkain,” aniya.

“Ang problema kasi, kapag ‘yung mga walang-wala, wala din silang mapuntahan, wala silang recourse. Ang kinakatakutan natin, they will resort to crime and violence na ayaw natin na mangyari,” dagdag niya.

Kasabay nito, nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng panibagong taas-presyo sa gasolina at diesel na umabot sa P2.21 at P2.66 kada litro, habang bumaba naman ang kerosene ng P3.53 kada litro. Epektibo ang adjustment noong 6 a.m. ng Mayo 5, 2026.

Samantala, pumalo sa panibagong record low ang halaga ng piso na umabot sa P61.75 kontra dolyar dahil sa pandaigdigang oil price shock at hedging ng mga importer.

Umabot naman sa 7.2 porsyento ang inflation noong Abril 2026, ang pinakamataas sa loob ng tatlong taon, mula 4.1 porsyento noong Marso at 1.4 porsyento noong Abril 2025, ayon kay National Statistician Claire Dennis Mapa.

Ayon sa Department of Economy, Planning, and Development, nasa 3.9 porsyento ang year-to-date inflation, pasok pa rin sa target na 2 hanggang 4 porsyento ng gobyerno.

Nagbabala rin si Duterte laban sa umano’y “troll farms” at disinformation sa social media na aniya’y ginagamit laban sa kanya bago ang 2028 elections.

“Particularly because puwedeng ma-manipulate ang information na lumalabas sa social media. Tulad na nga ng mga troll farms na naririnig din niyo. Totoo ‘yun na meron talagang negosyo na ganoon,” aniya.

Dagdag niya, bahagi ito ng taktika sa politika upang siraan ang mga kalaban.

“Sa politika ganyan talaga ‘yan. Lalo pati sa 2028 presidential elections na alam naman natin na lahat na sabi ko nga presumptive candidate na ako,” ani Duterte.

Nauna nang inanunsyo ni Duterte noong Pebrero ang kanyang planong tumakbo sa 2028 presidential elections. Sa isang Pulse Asia survey, tabla siya kay Senator Raffy Tulfo sa 46 porsyento, habang nanguna siya kay dating vice president Leni Robredo sa 51 kontra 43 porsyento. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here