Home NATIONWIDE Buwis sa diesel, pinababawasan ni Gatchalian vs tumataas na inflation

Buwis sa diesel, pinababawasan ni Gatchalian vs tumataas na inflation

63
0

MANILA, Philippines – Muling nanawagan si Senador Win Gatchalian sa sangay ng ehekutibo na suspindihin ang excise tax sa diesel upang maibsan ang bigat na dinadala ng mamamayan sa pagtaas ng halaga ng bilihin at inflation.

Hinimok niya ang mabilis na pagkilos upang maibsan ang pasanin ng mga mahihirap na sektor ngayong sumipa ang inflation sa loob ng tatlong taon sa antas na 7.2% noong Abril.

Binigyang-diin niya na bagama’t ang mabilis na pagtaas ng inflation ay tiyak na magpapaliit sa kita ng lahat ng mga sambahayan, ang mga mahihirap na pamilya ang higit na magdurusa dahil malaking bahagi ng kanilang kita ay napupunta lamang sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, transportasyon, at kuryente o tubig.

“Nababawasan nang husto ang purchasing power ng mga mahihirap nating kababayan dahil sa mahal ng mga bilihin. Imbes na hayaan nating sumirit pa nang husto ang inflation, panahon na para alisin muna natin ang excise tax sa diesel,” ani Gatchalian.

Dagdag pa niya, ang diesel ay itinuturing na “fuel of the masses” na nagpapatakbo sa mga public utility vehicles (PUVs), logistics sa sektor ng agrikultura, at pagbibiyahe ng mga pagkain.

Nauna nang sinabi ni Gatchalian na dapat gawing institusyonal ng Kongreso ang isang awtomatikong pondo para sa social assistance na mag-a-activate tuwing tumataas ang inflation.

Layunin nito na protektahan ang mga mahihirap na pamilya mula sa mataas na presyo ng mga bilihin, kabilang ang gasolina.

Aniya, ang ganitong inisyatiba ay magbibigay-daan sa gobyerno na makapaghatid ng agarang tulong pinansyal sa mga maralitang kabahayan. Ang hakbang na ito ay kabilang sa mga rekomendasyon ng Senate PROTECT ad hoc panel na kanyang pinamumunuan. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here