Home METRO P179-M pondo mula Palasyo, naihatid na sa Manila LGU

P179-M pondo mula Palasyo, naihatid na sa Manila LGU

56
0

MANILA, Philippines – NANGAKO si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na agad nitong ipapatupad ang programang “Bawat Barangay Makikinabang” matapos pormal na i-turn over ng Office of the President ang P179.2 milyong pondo para sa Lungsod ng Maynila.

Isinagawa ang turnover sa isang pulong sa Manila City Hall noong Miyerkules, Mayo 6, kung saan personal na tinanggap ng alkalde ang tseke mula sa kinatawan ng Office of the Executive Secretary.

Ayon kay Domagoso, titiyakin ng lokal na pamahalaan na agad maipatutupad ang programa alinsunod sa layunin ng administrasyon.

“Sisiguraduhin naming maipatupad ito sa lalong madaling panahon ayon sa nais ng Pangulo, at masisiguro rin na ang tamang mga benepisyaryo ang makikinabang sa tulong ng ating mga barangay,” ani ng alkalde.

Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa pambansang pamahalaan sa ngalan ng mga Manileño. Aniya, malaking tulong ang naturang pondo lalo na sa gitna ng mga pandaigdigang hamon.

Ang programa, na inilunsad sa direktiba ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay naglalaan ng tig-P200,000 para sa bawat isa sa 42,010 barangay sa buong bansa mula sa Socio-Civic Projects Fund ng Office of the President. Sa Maynila, aabot sa 896 barangay ang makikinabang na may kabuuang alokasyon na P179.2 milyon.

Hahatiin sa dalawang bahagi ang pondo ng bawat barangay: P100,000 para sa Bagong Pilipinas Barangay Scholars program at P100,000 para sa mga proyektong pangkaunlaran na tutukuyin ng barangay, tulad ng pagbili ng patrol vehicles, solar street lights, generator, at flood pumps.

Sa ilalim ng scholarship program, limang mag-aaral na papasok sa ikaapat na taon sa kolehiyo at nanganganib huminto ang mabibigyan ng tig-P20,000 na tulong pang-edukasyon. Prayoridad ang mga estudyanteng mula sa mahihirap na pamilya, lalo na yaong walang miyembro na nakapagtapos ng kolehiyo.

Para naman sa development component, maaaring pumili ang mga barangay mula sa listahan ng aprubadong proyekto na may kinalaman sa serbisyong publiko, administrasyon, street lighting, at disaster risk reduction. Hindi maaaring gamitin ang pondo sa pagpapatayo ng imprastraktura o pambayad ng sahod at honoraria.

Nabatid na direktang ipapadala ang pondo sa mga barangay matapos ang pagpirma ng Deed of Donation sa pagitan ng Office of the President at ng bawat barangay, kung saan ang punong barangay ang magsisilbing awtorisadong tatanggap.

Inaatasan din ang mga barangay na magsumite ng liquidation documents sa kanilang supervising auditor sa Commission on Audit, gayundin ng Fund Utilization Report sa Office of the President upang matiyak ang maayos at transparent na paggamit ng pondo. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here