MANILA, Philippines – Sabay-sabay na nagsagawa ng rice distribution program ang ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila noong Miyerkules, Mayo 6, 2026, bilang bahagi ng mga hakbang ng gobyerno para palakasin ang food security sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.
Sa Malabon City, pinangunahan ni Mayor Jeannie Sandoval ang “Hapag Sigurado: Rice Distribution Program para sa Malabueño” kung saan humigit-kumulang 3,000 residente ang tumanggap ng tig-10 kilo ng bigas. Kabilang sa mga unang benepisyaryo ang mga mangingisda, barangay tanod, pedicab driver at operator, at mga ambulant vendor na tinukoy na pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng pagkain.
Layunin ng programa na makapaghatid ng bigas sa humigit-kumulang 20,000 kabahayan sa lungsod na isinagawa sa Malabon Sports Complex.
Sa Mandaluyong City, namahagi rin ng tig-10 kilo ng bigas sa mga public transport driver at senior citizen sa ilalim ng Local Government Support Fund–Financial Assistance to LGUs.













