Home NATIONWIDE Pagtaas ng alokasyon sa local gov’t support, civic project funds sa 2027,...

Pagtaas ng alokasyon sa local gov’t support, civic project funds sa 2027, hangad ni PBBM

71
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na itataas niya ang alokasyon para sa Local Government Support Fund (LGSF) at Socio-Civic Projects Fund (SCPF) para mapanatili ang mas mabilis na paghahatid ng serbisyo sa grassroots level.

Iyon nga lamang aniya ay depende ito sa magiging resulta ng kanilang nationwide rollout.

“Pagka maganda ang ating maging resulta dito sa ating mga ginagawa, kapag maayos at maganda at mabilis ang pagbaba ng tulong sa ating mga kababayan, ay asahan ninyo sa 2027, lalakihan po natin ang pondo para dito sa LGSF at saka sa SCPF,” ani Pangulong Marcos sa paglulunsad ng Bawat Barangay Makikinabang initiative sa Las Piñas City.

Ang LGSF ay isa s amga programa ng gobyerno na nagbibigay ng pinansiyal na tulong sa mga lokal na pamahalaan para sa mga kritikal na imprastraktura habang ang SCPF ay pinopondohan angcommunity-level initiatives kabilang na ang suporta sa edukasyon.

Binigyang diin ng Pangulo ang kahalagahan na bigyang kapangyarihan ang LGUs, sabay sabing dahil sa devolving funds ay mas napadali at mas naging episyente ang paghahatid ng serbisyo.

Aniya, ang mga lokal na opisyal ay nasa mas magandang posisyon para tukuyin ang mga benepisaryo at ipatupad ang mga programa kumpara sa mga sentralisadong proseso na madalas na matagal dahil sa bureaucratic requirements.

Sa ilalim ng Bawat Bayan Makikinabang Program, ang mga pamilyang nangangailangan ay makatatanggap ng 10 kg. ng bigas kada buwan, anim na beses sa isang taon, sa pamamagitan ng LGSF para tulungan na masiguro ang food security sa hanay ng vulnerable sectors.

Gamit ang SCPF, maglalaan naman ng P200,000 sa bawat barangay, kalahati ng nasabing halaga ay ilalaan para sa educational assistance.

Ang bawat barangay ay inaasahan na susuportahan ang kahit papaano ay limang presidential scholars, makatatanggap ng P20,000 bawat isa.

Ani Pangulong Marcos, ang “whole-of-government” approach, magpapalakas sa pagtutulungan sa pagitan ng national at local governments, susi para masiguro ang agarang paghahatid ng tulong sa nilalayong recipients.

Sa kabilang dako, tiniyak naman ng Pangulo sa publiko na patuloy ang pagsisikap ng administrasyon para maayos at mapalawig ang mga programa na naglalayong pagaanin ang paghihirap dulot ng mataas na halaga at paghusayin ang kalidad ng buhay ng mga pilipino.

“Patuloy naming ginagawa ito upang matiyak namin na lahat ng mga nangangailangan, lahat ng humihingi ng tulong ay mabibigyan ng tulong, naalalayan ng pamahalaan,” ang sinabi ng Pangulo.

“At tapat kami sa aming katungkulan na ang pamahalaan ay nandiyan upang alagaan ang taong-bayan, upang tulungan, upang gawing maganda ang kanilang buhay, at maproteksyunan ang ating mga kababayan,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here