Home NATIONWIDE Alegasyon ni Lacson sa P1.5B proyekto ng DPWH, binanatan ni Marcoleta

Alegasyon ni Lacson sa P1.5B proyekto ng DPWH, binanatan ni Marcoleta

72
0

MANILA, Philippines – Sa isang privilege speech, direktang sinagot ni Sen. Rodante Marcoleta ang mga alegasyon na ibinato ni Sen. Panfilo Lacson, na siyang chair ng Senate Blue Ribbon Committee, kaugnay ng umano’y paghingi niya ng ₱1.5 bilyong halaga ng proyekto mula sa Department of Public Works and Highways kapalit ng kumpirmasyon kay dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa Commission on Appointments.

Ayon kay Marcoleta, sinabi ni Lacson na ₱500 milyon lamang umano ang naibigay at may ilang mambabatas na hindi nabigyan ng alokasyon, ngunit wala umanong ipinakitang dokumento bilang ebidensya.

Pinuna rin niya ang slide na ginamit ni Lacson sa kanyang privilege speech na tumutukoy sa “allocables” at “leadership fund,” kung saan nakalagay ang pangalang “Cong. Marcoleta” na may “500” allocation.

“Putol, hindi buo, walang sapat na konteksto,” ani Marcoleta, at iginiit na nagbigay ito ng maling impresyon na siya ay humiling ng pondo nang hindi inilalahad ang buong paliwanag.

Dagdag pa niya, “Hindi na po ito paghahanap ng katotohanan. Ito ay pagpapalutang ng duda sa pamamagitan ng isang palabas.”

Ayon sa senador, lalo pang lumakas ang naturang salaysay matapos ulitin ni Lacson sa media ang parehong akusasyon. Iginiit din niya na bahagi ng proseso ng lehislatura ang pag-eendorso ng mga proyekto at hindi ito awtomatikong patunay ng katiwalian.

Ipinunto rin niya na tila pinipili lamang ang pagtingin sa kanyang pangalan habang ang ibang sangkot umano sa testimonya ay hindi tinutukan sa ulat ng komite.

Iginiit din ni Marcoleta na hindi niya pinirmahan ang partial report ng Blue Ribbon Committee hindi dahil tutol siya sa pananagutan, kundi dahil para sa kanya ay hindi ito kumpleto at maaaring may pagkiling.

Binalaan din niya na ang pagpilit sa mga miyembro na pumirma sa ulat ay maaaring makasira sa integridad ng imbestigasyon at posibleng magamit para pigilan ang mga susunod na pagdinig. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here