MANILA, Philippines – Pinalagan ng Malakanyang ang pahayag ni Vice-President Sara Duterte na kapos na sa pondo ang Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro na madalas kasing bumiyahe si VP Sara kaya’t maaaring ito dahilan kung bakit hindi nito nakikita ang mga programang ipinatutupad ng gobyerno.
“‘Yun po kasi ang nagiging problema sa isang opisyal na laging naka-bakasyon,” ani Castro na ang tinutukoy ay si VP Sara.
Sa kasalukuyan, nasa The Hague si VP Sara upang bisitahin ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nakakulong at nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court.
Bilang tugon naman sa pahayag ni VP Sara, sinabi ni Castro na may mga umiiral na programang pang-ekonomiya ang pamahalaan kaya’t malabo ang sinasabi nitong kapos sa pondo ang bansa.
Bukod pa sa may mga hakbang ang administrasyon para tulungan ang iba’t ibang sektor, kabilang ang mga OFW. Binanggit din niya ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Pebrero para sa repatriation at tulong sa mga OFW sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Bukod dito, may umiiral din aniyang fuel subsidies, TUPAD emergency employment program, at UPLIFT initiative para sa mga sektor tulad ng transport workers.
Sa ulat, iginiit ni VP Sara na kapos na sa pondo ang Pilipinas, kasabay ng pagbanggit sa isang memorandum mula sa Department of Budget and Management (DBM) na nag-uutos na bilangin ang savings ng mga ahensya ng gobyerno.
Ayon kay VP Sara, nakatanggap umano ang Office of the Vice President (OVP) ng kautusan na i-account ang savings ng bawat tanggapan upang matukoy ang natitirang pondo ng pamahalaan.
Binigyang-diin din niya ang tinawag na “triple whammy” ng pagtaas ng presyo ng gasolina, paghina ng piso, at inflation, na aniya’y dapat tugunan upang maprotektahan ang mga mahihirap. (KRIS JOSE)