MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nakikipag-ugnayan ito sa Office of the Solicitor General para sa posibleng legal na hakbang kaugnay ng patuloy na sunog sa Navotas Sanitary Landfill.
Ayon sa DENR, layunin nitong matiyak na mabibigyang aksyon ang insidente lalo na’t apektado ang kalidad ng hangin at kalusugan ng mga residente sa Navotas at kalapit na lugar sa Metro Manila.
Kasalukuyang pinag-aaralan din ng Department of the Interior and Local Government ang isyu ng pananagutan sa insidente.
Ayon sa DENR, maaaring managot ang Environmental Compliance Certificate (ECC) holder o ang kumpanyang pumirma sa Sworn Statement of Accountability na nagsasabing ligtas at sumusunod sa regulasyon ang landfill.
Naglabas na rin ang Environmental Management Bureau (EMB) ng Notice of Violation laban sa operator ng landfill dahil sa kabiguang magsumite at magpatupad ng Safe Closure and Rehabilitation Plan at Abandonment Plan.
Ipinaliwanag ng DENR na mahalaga ito upang matukoy kung paano isasara at pamamahalaan ang lugar, kabilang ang mga hakbang laban sa methane gas build-up na karaniwang sanhi ng landfill fires.
Nagsimula ang sunog noong Abril 10, at ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nasa humigit-kumulang 80% na itong kontrolado at inaasahang maapula sa loob ng apat hanggang limang araw. RNT/MND