MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte na hindi siya nababahala sa posibilidad na mawala sa puwesto sa gitna ng nagpapatuloy na impeachment proceedings laban sa kanya.
Sa pakikipagpulong sa mga supporter at miyembro ng Filipino community sa Netherlands, sinabi ni Duterte na kaya pa rin niyang tumulong sa mga Pilipino kahit wala siya sa gobyerno.
“Kung manatili akong Vice President, well and good… Kung hindi man din ako maging Vice President, okay lang din sa akin,” ani Duterte.
Ayon pa sa kanya, hindi siya desperadong manatili sa posisyon dahil kahit matapos siyang maging mayor ng Davao City noon ay nakapagpatuloy pa rin siya sa pagtulong sa pamamagitan ng legal work.
“Hindi ako gigil ba doon sa posisyon kasi, kahit anong posisyon naman kung gusto mo talagang tumulong sa mga tao pwede naman ‘yun,” dagdag niya.
Kinuwestiyon din niya kung ang impeachment laban sa kanya ay para talaga sa accountability o para alisin lamang ang isang taong hindi sang-ayon sa administrasyon.
“Is this accountability or is this about removing a person who doesn’t agree with the administration?” aniya.
Iginiit din ni Duterte na wala umanong sapat na ebidensya ang impeachment complaints at karamihan ay nakabatay lamang sa mga alegasyon.
Bukod dito, binatikos din niya ang prayoridad ng pamahalaan habang maraming Pilipino ang nahihirapan dahil sa mataas na presyo ng bilihin at kahirapan.
“Dapat nauuna ngayon ang isipin ng pamahalaan ay paano ‘yung pambili ng pagkain araw-araw ng mga pamilya na naghihirap,” sabi niya.
Bagama’t sinabi niyang hindi dapat umasa lamang sa ayuda bilang solusyon sa kahirapan, aminado siyang ramdam niya ang pagod at pagkadismaya ng maraming Pilipino dahil sa umano’y kawalan ng direksyon ng gobyerno.
Nagbigay rin siya ng alegasyon tungkol sa corruption sa iba’t ibang antas ng gobyerno at sinabing naaapektuhan nito ang investor confidence sa bansa.
Samantala, pinabulaanan din ni Duterte ang kumakalat na tsismis na naghagis siya ng laptop sa isang staff member at tinawag itong “basura na chismis.”
Ikinuwento rin niya na nakausap niya ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte at sinabi niyang naging sentro ng usapan nila ang Diyos, pananampalataya, at buhay. RNT/MND