MANILA, Philippines – Hindi natuloy ang auction ng anim na luxury vehicles ng Bureau of Customs (BOC) nitong Huwebes matapos walang nagparehistrong bidder, ayon sa ahensya.
Ang mga sasakyan ay ipinakita sa public viewing sa Port of Manila mula Abril 29–30 at Mayo 4–5, at hanggang Mayo 5 ang deadline ng pagsusumite ng requirements ng mga interesadong bidder.
Ayon sa BOC, “The BOC-POM scheduled public auction of six (6) luxury vehicles did not push through today after no bidder registered for the event.”
Kabilang sa mga hindi nabentang sasakyan ang mga sumusunod: Lexus ES (2019), Jeep Wrangler (2021), BMW X6 (2023), Mercedes Benz S680 Maybach (2023), Bentley Continental (2023), at Rolls-Royce Cullinan (2021), na may halagang mula humigit-kumulang ₱2.1 milyon hanggang ₱27 milyon.
Ayon sa BOC, ang mga sasakyan ay nakarehistro umano sa AC Che Gong Miao. Noong Pebrero 2025, nagsagawa rin ang ahensya ng raid sa P1.4 bilyong halaga ng luxury vehicles na konektado rito sa Pasay at Parañaque.
Sinabi rin ng BOC na nakatanggap sila ng mga ulat at larawan ng umano’y smuggled vehicles na ibinebenta online.
Samantala, nabigo rin noong nakaraang linggo na maibenta sa negotiated sale ang ilang luxury cars ng contractor couple na sina Cezarah “Sarah” at Pacifico “Curlee” Discaya matapos hindi mapatunayan ng mga interesadong bumibili ang kanilang eligibility.
Gayunman, naibenta na ang siyam na iba pang sasakyan ng mag-asawa sa mga nakaraang auction na umabot sa mahigit ₱102 milyon ang kita. RNT/MND