MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagpapalawak ng programang net service contracting ng Department of Transportation (DOTr) upang matiyak ang matatag na kita ng mga driver ng public utility vehicles (PUV).
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na kailangan magkaroon ng ganitong sistema dahil patuloy na pinipigilan ng mataas na presyo ng langis ang maraming drayber na bumiyahe sa kanilang nakasanayang ruta.
Bilang chairman ng Senate Committee on Finance at ng PROTECT ad hoc panel, sinabi ni Gatchalian na handa siyang suportahan ang pondo ng programa kapag tinalakay na ng Kongreso ang supplemental budget sa ilalim ng iminumungkahing batas na Bayanihan 3.
“Nakikita ko, ang programang ito ay talagang layong tulungang mapataas ang kita ng ating mga driver. Hindi lang sila basta naghihintay ng ayuda, kumikita sila sa pamamagitan ng pagtatrabaho,” ayon sa senador.
Ang programa ay isang subsidiya mula sa gobyerno na nagbabayad sa mga operator at driver ng PUV ng takdang halaga bawat kilometro.
Sinisiguro nito ang matatag na kita anuman ang dami ng pasahero, habang binibigyan ang mga pasahero ng 20% diskwento sa pamasahe.
Ang sistemang ito na base sa performance ay nagbabawas sa panganib sa operasyon sanhi ng mahal na krudo at sumasaklaw sa libu-libong ruta sa buong bansa.
Bagama’t ang ayuda mula sa DSWD ay nagbibigay ng ginhawa sa mga driver, binigyang-diin ni Gatchalian na prayoridad ang mapanatili sila sa kanilang mga regular na ruta upang maiwasan ang aberya sa transportasyon at hayaan silang kumita.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, kailangan ng ahensya ng P5 bilyon para mapatakbo ang programa sa loob ng 2 hanggang 3 buwan at binigyang-diin ang pangangailangan ng suporta mula sa mga LGU.
Sa ngayon, ang DOTr ay naglaan ng P740 milyon, na sapat lamang para sa humigit-kumulang 10 araw. Ernie Reyes