MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Korte Suprema ang paghahanda para sa paglalatag ng Shari’ah High Court sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) upang resolbahin ang mga apela mula sa Shari’ah district courts.
Magkakaroon ito ng limang justices at eksklusibong hurisdiksyon sa mga kasong kinasasangkutan ng mga Muslim — isang Presiding Justice at apat na Associate justices na may parehong ranggo at sahod tulad ng sa Court of Appeals (CA).
Ang desisyon nito ay pinal maliban kung may legal na isyu na maaaring iapela sa SC.
Ang pondo at tauhan ay mahalaga para sa operasyon nito, kaya inatasan ng SC ang paghahanda ng badyet at staffing pattern.
Inatasan ng SC ang Fiscal Management and Budget Office na ihanda ang badyet at staffing pattern para sa operasyon ng Shari’ah High Court.
Ang Office of the Court Administrator at Fiscal Management and Budget Office ay inutusan ding magsumite ng ulat sa loob ng 30 araw ukol sa mga hakbang na ginawa para ipatupad ang resolusyon.
Ang pagtatatag ng Shari’ah High Court ay nakasaad sa Article X ng Republic Act No. 11054 o Bangsamoro Organic Law. Jocelyn Tabangcura-Domenden