Home NATIONWIDE Hiling ni Mans Carpio sa pagpapatigil ng impeachment vs VP Sara, ibinasura...

Hiling ni Mans Carpio sa pagpapatigil ng impeachment vs VP Sara, ibinasura ng korte

66
0

MANILA, Philippines – Binasura ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang petisyong inihain ni Atty. Manases “Mans” Carpio na naglalayong pigilan ang nagpapatuloy na impeachment proceedings laban sa kanyang asawa na si Vice President Sara Duterte.

Sa limang pahinang kautusan na may petsang Mayo 6, 2026, iginiit ni Presiding Judge Madonna Echiverri ng RTC Branch 81 na walang hurisdiksyon ang korte para pakialaman ang mandato ng Kamara sa pagdinig ng impeachment cases.

“The petition for prohibition is dismissed for lack of jurisdiction. The prayer for issuance of a writ of preliminary injunction is denied,” nakasaad sa desisyon na natanggap ng Kamara.

Binigyang-diin ng korte na ang House Committee on Justice ay sumusunod lamang sa Article XI ng 1987 Constitution na nagbibigay sa Kamara ng “exclusive power to initiate all cases of impeachment.”

Hindi rin pinaboran ng korte ang reklamo ni Carpio laban sa pag-isyu ng subpoena para sa kanyang tax records at iba pang dokumento mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ayon sa judge, ang kapangyarihang mag-isyu ng subpoena ay kaakibat na awtoridad ng komite upang epektibong magampanan ang kanilang tungkulin.

Sinopla rin ng RTC ang hirit ni Carpio na ituring na ebidensya o “judicial notice” ang mga news reports at YouTube videos patungkol sa mga hearing sa Kamara. Ayon sa korte, ang mga newspaper articles ay itinuturing na “hearsay evidence” at walang “probative value” o bigat bilang ebidensya sa ilalim ng batas.

Idinagdag pa ni Judge Echiverri na dahil ang mga inirereklamo ay opisyal ng Kamara,na isang “co-equal branch” ng gobyerno, ang naturang petisyon ay dapat umanong inihain sa Korte Suprema at hindi sa Regional Trial Court.

Matatandaang kamakailan ay nagkakaisang inaprubahan ng House Committee on Justice ang Articles of Impeachment laban kay VP Sara matapos makakita ng probable cause.

Nakatakda itong pagbotohan sa plenaryo ng Kamara sa darating na Mayo 11. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here