MANILA, Philippines — Nagbabala ang power consumer group na ILAW Pilipinas na unti-unti umanong pinapatay ng mahal na singil sa kuryente at sunod-sunod na brownout ang turismo sa ilang kilalang isla sa bansa.
Sa inilabas na pag-aaral ng grupo, lumalabas na matinding apektado ang mga negosyong nakadepende sa turismo sa Camiguin, Siquijor at Masbate dahil sa hindi matatag na suplay ng kuryente.
Ayon kay Agnes “Beng” Garcia, mahalaga ang maaasahang suplay ng enerhiya upang manatiling buhay ang ekonomiya ng mga tourist destination.
Giit ni Garcia, hindi lamang simpleng abala ang brownout dahil direktang naaapektuhan nito ang kabuhayan ng mga residente at negosyo, habang bumabagal naman ang paglago ng ekonomiya sa mga isla.
Batay sa isinagawang focus group discussions ng ILAW, maraming negosyo gaya ng hotel, restaurant, resort at retail stores ang nakararanas ng malaking pagkalugi tuwing may power interruption.
Ikinuwento ng ilang negosyante na naaantala ang food preparation, online booking, digital payments at maging check-in ng mga turista kapag nawawalan ng kuryente, dahilan para magkansela ng booking ang ilang bisita at paikliin ang kanilang bakasyon.
Sa Masbate, umaabot umano sa P50,000 kada araw ang nawawalang kita ng ilang negosyo habang sa Siquijor ay pumapalo naman sa P60,000 ang lugi kada araw.
Mas mabigat naman umano ang tama sa Camiguin kung saan mas mataas ang singil sa kuryente kumpara sa ibang lugar at umaabot umano sa P100,000 kada araw ang nawawalang kita ng ilang establisimyento.
Dahil dito, napipilitan umano ang maraming negosyo na bumili ng generator sets upang tuloy-tuloy ang operasyon, pero dagdag pasanin din ito dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Middle East.
Bukod sa mataas na gastos, inireklamo rin ng ilang negosyante ang pagkasira ng appliances at kagamitan dahil sa pabago-bagong boltahe at madalas na pagkawala ng kuryente.
Ayon naman kay Francine Beatriz Pradez, posibleng lalo pang bumaba ang tourist arrivals sa mga naturang lugar dahil sa patuloy na problema sa kuryente at pagtaas ng singil sa elektrisidad.
Nanawagan ang ILAW Pilipinas sa pamahalaan, electric cooperatives at pribadong sektor na agarang ayusin ang power infrastructure sa mga isla upang matiyak ang matatag, abot-kaya at maaasahang suplay ng kuryente para hindi tuluyang malugi ang sektor ng turismo sa bansa. JAY Reyes