Home NATIONWIDE Imbestigasyon sa ‘bill shock’ at patong-patong na pass-through charges sa kuryente inihain...

Imbestigasyon sa ‘bill shock’ at patong-patong na pass-through charges sa kuryente inihain sa Kamara

66
0

MANILA, Philippines – Naghain ng resolusyon si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno sa Kamara upang pormal na ipaimbestiga ang biglaang paglobo ng singil sa kuryente at ang patong-patong na pass-through charges na pinapasan ng mga consumer mula sa Meralco at iba pang distribution utilities.

Sa ilalim ng House Resolution No. 995 na inakda rin nina Akbayan Reps. Percival Cendaña at Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao ay inaatasan ang House Committee on Energy na busisiin ang epekto ng mga subsidy at iba pang charges na ikinakarga sa monthly billing ng mga consumer.

Binigyang-diin ni Diokno na lunod na ang mga Filipino sa iba’t ibang bayarin gaya ng generation charges, transmission charges, system loss, universal charges, Lifeline Subsidy, FIT-All, GEA-All, missionary electrification, at iba pang buwis na pinapayagan sa ilalim ng EPIRA Law at iba pang mga regulasyon.

Bagam’t kinikilala ang halaga ng mga subsidy program para sa mga marginalized sectors, iginiit ng mambabatas na hindi dapat ang mga ordinaryong consumer ang pumapasan sa pondo ng mga socialized electricity programs.

Target ng imbestigasyon na magkaroon ng rebisyon sa EPIRA law, pagrepaso sa mga resolusyon ng Energy Regulatory Commission na nagpapahintulot sa paniningil ng pass-through costs, Pagsuri kung tama ba ang beneficiary targeting at kung nakakarating ba talaga ang tulong sa mga dapat makatanggap nito at paghahanap ng ibang paraan para pondohan ang mga assistance programs nang hindi kinukuha sa bulsa ng mga ordinaryong consumer.

Ang nasabing inquiry ay naglalayong makabuo ng mga legislative measures na magtitiyak ng abot-kaya, patas, at transparent na presyo ng kuryente sa bansa. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here