MANILA, Philippines – Inihain ng Makabayan Bloc sa Kamara ang panukalang batas na nagsusulong na alisin ang Value-Added Tax (VAT) sa systems loss charge sa mga bill sa kuryente, bilang bahagi ng hakbang na mapababa ang bayarin ng mga consumer.
Sa ilalim ng House Bill 9165, na inihain nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Rep. Sarah Elago, at Kabataan Rep. Renee Louise Co ay hinihiling na amyendahan ang National Internal Revenue Code upang gawing VAT-exempt ang systems loss.
Tinawag ng Makabayan bloc na doble-kaltas at hindi makatarungan ang kasalukuyang sistema kung saan ang mga pamilya ay pinagbabayad na sa kuryenteng hindi nila ginamit, ay pinapatawan pa ng karagdagang buwis.
“Sa gitna ng taas-presyo sa pagkain, pamasahe, edukasyon, at serbisyong pangkalusugan, hindi makatarungan na dagdagan pa ang pasanin ng mamamayan sa kuryente,” ayon sa pahayag ng grupo.
Binigyang-diin ng Makabayan na ang systems loss ay bunga ng kapabayaan o inefficiencies ng mga distribution utilities at electric cooperatives, kaya hindi dapat ito ipasa sa publiko bilang pass-on tax.
“Consumers are made to shoulder losses they did not cause.In effect, families pay for more electricity than they actually use, and then are taxed further through VAT on top of these losses,” dagdag ng bloc.
Nanawagan ang Makabayan bloc sa liderato ng Kamara na gawing prayoridad ang HB 9165 bilang “emergency agenda” para sa cost-of-living relief.
Bukod sa VAT exemption, iginiit din nila ang mas mahigpit na regulasyon laban sa profiteering at pagpapanagot sa mga kumpanya ng kuryente sa kanilang sariling mga teknikal na pagkukulang. Gail Mendoza