Bulacan – Arestado ang babaeng tulak matapos umanong mahulihan ng P360, 000.00 halaga ng iligal na droga sa buy-bust operation ng pulisya sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM) nitong gabi ng Mayo 7.
Sa ulat ni PLTCOL Reyson Bagain, hepe ng SJDM police station, kinilala ang suspek na si alyas “Jen”, 27, residente ng Brgy. Gaya-Gaya.
Ayon sa ulat, ikinasa ang operasyon ng mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit ng istasyon laban sa target bandang 8:27 ng gabi sa Brgy. Gaya-Gaya.
Nabatid na nabilhan ng hinihinalang marijuana kush ang target ng poseur buyer kaya agad itong inaresto ng mga operatiba sa lugar.
Nakumpiska sa suspek ang marked money, hinihinalang marijuana kush, local marijuana at siyam na vape na umanoy may liquid marijuana juice na may standard drug price na P360,000.00.
Sinasabing isinagawa ang inventory at pagmamarka ng mga ebidensya sa presensya ng mga witnesses bago dinala ang mga ito at ang naarestong suspek sa istasyon.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, 11 at 26, Article II ng RA 9165 habang nakakulong sa nasabing istasyon. Dick Mirasol III