MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagpapatupad ng mga pandaigdigang pamantayang pang-nuclear sa bansa sa pamamagitan ng pagsuporta sa ratipikasyon ng ilang mga kombensiyon upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng paggamit ng teknolohiyang nukleyar, gaya ng sa energy generation.
Ang tinutukoy ng senador ay ang Convention on Supplementary Compensation for Nuclear Damage, ang Convention on Nuclear Safety, ang Protocol to Amend the Vienna Convention on Civil Liability for Nuclear Damage, at ang Joint Convention on the Safety of Spent Fuel Management and on the Safety of Radioactive Waste Management.
Ang mga ito ay tinalakay sa isang nakaraang pagdinig sa Senado at kasalukuyang sinusuri para sa ratipikasyon ng Senado.
Sa naturang pagdinig din, nagtanong si Gatchalian tungkol sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12305, o ang Philippine National Nuclear Energy Safety Act, na nagtatakda sa paglikha ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority.
Ito ang magsisilbing independent nuclear regulator ng bansa na may mandatong bantayan ang ligtas at tiyak na paggamit ng nuclear energy at radiation sources.
“Mahalagang pag-aralan na isama ang nuclear energy sa energy mix ng bansa sa gitna ng pabago-bagong presyo ng gasolina sa buong mundo, pero kailangan din nating unahin ang mahigpit na mga pamantayan sa kaligtasan bago ito ganap na gamitin,” ani Gatchalian. Ernie Reyes