Home NATIONWIDE ASEAN nanindigan sa 5-point consensus sa Myanmar

ASEAN nanindigan sa 5-point consensus sa Myanmar

51
0

MANILA, Philippines — Muling pinagtibay ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang paninindigan nito sa Five-Point Consensus (5PC) bilang pangunahing balangkas sa pagtugon sa nagpapatuloy na krisis pampulitika sa Myanmar.

Ito ay kasunod ng pagpapahayag ng matinding pag-aalala ng mga lider ng ASEAN sa patuloy na paglala ng kaguluhan at humanitarian situation sa Myanmar, ayon sa inilabas na pahayag ng ASEAN Chair nitong Sabado.

Sa ginanap na 48th ASEAN Summit and Related Meetings sa Cebu nitong Biyernes, sinabi ng mga lider na “minimal progress” pa rin ang nakikita sa pagpapatupad ng Five-Point Consensus na naglalayong agarang itigil ang karahasan, magsagawa ng inclusive dialogue, at maghatid ng humanitarian assistance.

Kinondena rin ng ASEAN ang patuloy na pag-atake laban sa mga sibilyan at pampublikong pasilidad.

“We reaffirmed our united position that the 5PC remains our primary reference to address the political crisis in Myanmar and further reaffirmed the relevant Leaders’ decisions,” ayon sa chair’s statement.

Hinimok din ng ASEAN ang lahat ng panig na agarang itigil ang walang pinipiling karahasan, pairalin ang pagpipigil, tiyakin ang kaligtasan ng mga sibilyan at imprastraktura, at lumikha ng maayos na kondisyon para sa humanitarian assistance at inclusive national dialogue.

Samantala, ikinatuwa ng mga miyembro ng ASEAN ang patuloy na paghahatid ng humanitarian aid sa Myanmar sa pamamagitan ng ASEAN Coordinating Center for Humanitarian Assistance on Disaster Management (AHA Center) bilang bahagi ng pagpapatupad ng ikaapat na punto ng 5PC.

Pinuri rin ng ASEAN si Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro bilang Special Envoy ng ASEAN Chair on Myanmar dahil sa pakikipag-ugnayan nito sa iba’t ibang stakeholders sa Myanmar upang maisulong ang isang inklusibo at pangmatagalang solusyon sa krisis.

Kabilang din sa mga nakausap ang ASEAN dialogue partners, karatig-bansa ng Myanmar, international at regional partners, gayundin ang civil society organizations at humanitarian groups.

Sa kabila ng krisis, muling iginiit ng ASEAN na mahalagang bahagi pa rin ng regional bloc ang Myanmar.

Binanggit din ng ASEAN ang pagpapalaya ng mahigit 4,000 preso sa Myanmar, kabilang si U Win Myint, at ang paglipat kay Daw Aung San Suu Kyi sa isang designated residence bilang positibong hakbang tungo sa inclusive national dialogue.

Nanawagan din ang ASEAN para sa pagpapalaya sa mga natitirang detenido. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here