Home NATIONWIDE Proposal ng CHED sa pagbawas ng GE units tinutulan ng education stakeholders

Proposal ng CHED sa pagbawas ng GE units tinutulan ng education stakeholders

99
0

MANILA, Philippines — Tinutulan ng grupo ng education stakeholders, kabilang ang mga guro, manunulat, artista at iba pang miyembro ng akademya, ang panukala ng Commission on Higher Education (CHED) na bawasan ang general education (GE) units sa kolehiyo.

Babala ng grupo, maaaring humina ang kalidad ng edukasyon sa bansa at malagay sa panganib ang libo-libong trabaho ng mga guro kapag itinuloy ang plano.

Sa petisyong ibinahagi ng Alliance of Concerned Teachers-Philippines, hiniling ng stakeholders sa CHED na bawiin ang panukalang “Reframed General Education Curriculum Component” (RGECC) at magsagawa muna ng “makabuluhang talakayan” upang makabuo ng curriculum na tunay na tumutugon sa pangangailangan ng bansa.

Umabot na sa halos 1,000 katao ang lumagda sa petisyon.

Kinuwestiyon ng grupo ang planong bawasan ang GE units mula 36 patungong 18, na tinawag nilang “hindi katanggap-tanggap,” lalo na matapos bawasan noon ang core subjects sa Senior High School mula 15 tungong lima.

Ayon sa kanila, inilalayo umano ng RGECC ang edukasyon sa tradisyunal na liberal education na nagbibigay sa mga estudyante ng matibay na intellectual foundation para sa demokratikong diskurso at pakikilahok sa lipunan.

Tinuligsa rin nila ang umano’y “market-driven” at “job-centric” na direksyon ng panukala dahil tinatrato umano nito ang mga higher education institutions bilang tagagawa lamang ng empleyadong manggagawa sa halip na socially conscious citizens.

Pinabulaanan din ng grupo ang pahayag ng CHED na may “curriculum redundancies” sa pagitan ng Senior High School at college GE subjects, na ginagamit umanong dahilan para sa karagdagang pagbabawas ng GE courses.

Iginiit nila na hindi dapat baguhin ang GE curriculum hangga’t walang pormal na assessment sa kasalukuyang curriculum na ipinatutupad sa ilalim ng CHED Memorandum Order No. 20, Series of 2014.

Hinimok din ng stakeholders ang mas malaking pagbibigay-pansin sa humanistic education kaysa sa AI at technology-centered approaches.

Babala pa nila, maaaring maapektuhan ang nasa 60,000 hanggang 90,000 faculty members dahil sa posibleng displacement, pagbawas ng teaching load, at salary cuts.

Tinutulan din nila ang planong pagsamahin ang mabibigat na asignatura gaya ng Rizal’s Life and Works at Philippine Studies dahil umano’y “hindi ito uubra.”

Bagamat ikinatuwa nila ang pagsasama ng Labor Education bilang mandatory subject, sinabi nilang masyado pa rin itong nakatuon sa employment concerns at kulang sa tunay na labor education hinggil sa workers’ rights, unionization at social justice.

Samantala, ipinagtanggol ng CHED ang panukalang rebisyon sa pagdinig sa Senado noong Mayo 5.

Ayon kay Edizon Fermin, chair ng CHED Technical Panel for General Education, layunin ng pagbabago na gawing mas moderno at streamlined ang GE curriculum at hindi alisin ang mahahalagang competencies.

“We’re not operating in this context on stand-alone subjects because we’re working on outcomes,” ani Fermin.

Sinabi naman ni CHED Executive Director Cinderella Filipina Benitez-Jaro na may constitutional at legal authority ang CHED upang magtakda ng minimum standards para sa mga higher education institutions. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here