Home NATIONWIDE ASEAN nangako ng zero tolerance vs illegal drugs

ASEAN nangako ng zero tolerance vs illegal drugs

57
0

MANILA, Philippines — Nangako ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na magpapatupad ng “zero tolerance” approach laban sa illegal drug trade bilang bahagi ng layunin nitong makabuo ng drug-free na rehiyon.

Sa ginanap na 48th ASEAN Summit and Related Meetings sa Cebu nitong Biyernes, kinilala ng regional bloc ang mahalagang papel ng ASEAN Ministerial Meeting on Drug Matters (AMMD) at mga kaakibat nitong mekanismo sa pagpapalakas ng regional coordination laban sa paglaganap ng ilegal na droga.

Nagpahayag din ng suporta ang mga lider ng Southeast Asia sa biennial AMMD at inaasahan ang pamumuno ng Pilipinas sa ika-9 na pagpupulong nito ngayong taon, ayon sa inilabas na ASEAN chair’s statement nitong Sabado.

Kabilang sa mga napagkasunduang hakbang ang patuloy na pagpapatupad ng ASEAN Workplan on Securing Communities Against Illicit Drugs na nakaangkla sa ASEAN Political Security Community Strategic Plan.

Ayon sa ASEAN chair, layunin nitong maisulong ang pagkakaroon ng isang “safe and secure ASEAN.”

Nakatakda ring gunitain ng ASEAN ang ASEAN Drug Victims Remembrance Day tuwing Hunyo 26 kasabay ng International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking upang mapalakas ang kamalayan ng publiko hinggil sa masamang epekto ng ilegal na droga at mapatatag ang community resilience.

Pinuri rin ng mga lider ang kontribusyon ng ASEAN Narcotics Cooperation Center, partikular ang taunang ASEAN Drug Monitoring Report (ADM), bilang mahalagang suporta sa kampanya laban sa ilegal na droga.

Samantala, kinilala rin ng ASEAN ang mga resulta ng 19th ASEAN Defense Ministers’ Meeting (ADMM) at 12th ADMM-Plus na ginanap noong 2025.

Ayon sa ASEAN chair, malaking hakbang ang mga ito sa pagpapalakas ng regional defense cooperation sa nakalipas na dalawang dekada, kabilang ang pagkakatatag ng ADMM-Plus noong 2010.

Pinuri rin ang lumalawak na defense cooperation sa pagitan ng mga miyembrong bansa at external partners upang matugunan ang kasalukuyan at hinaharap na security threats sa rehiyon.

Binanggit din ng ASEAN ang mga inisyatiba sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas na nagsusulong ng Youth, Peace and Security Agenda.

Bukod dito, kinilala rin ng mga lider ang mga hakbang ng ASEAN Intergovernmental Commission on Human Rights (AICHR) sa pagsusulong at pangangalaga ng karapatang pantao sa rehiyon.

Suportado rin nila ang AICHR Five-Year Work Plan 2026–2030 na nakatuon sa people-centered at human rights-based ASEAN Community alinsunod sa ASEAN 2045 vision.

Hinimok din ng ASEAN ang mas matibay na pakikipagtulungan sa civil society organizations, national peace institutions at iba pang stakeholders upang maisulong ang dialogue, reconciliation at inclusive peace processes.

Binigyang-diin din ang kahalagahan ng partisipasyon ng kababaihan at kabataan sa peacebuilding at conflict prevention efforts sa rehiyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here