MANILA, Philippines – Patay ang isang indibidwal habang sugatan ang iba pa matapos na mawalan ng kontrol at maaksidente ang isang flatbed pickup truck o kilala bilang “Bongo” sa zigzag road sa Barangay Maluko, Manolo Fortich noong Biyernes, Mayo 8.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si George Jumamil, 53, ng Malaybalay City, na idineklarang patay sa isang ospital.
Ayon kay Lt. Col. Rogie C. Ortencio, Manolo Fortich police chief, dumalo ng water rescue training ang grupo para sa mga barangay frontline responders sa Talisayan, Misamis Oriental, at pabalik na sana sa Malaybalay City nang mangyari ang aksidente.
Sa inisyal na imbestigasyon ay napag-alaman na nawalan ng preno ang trak habang binabagtas ang Sayre Highway sa Zone 1, Barangay Maluko, dahilan para mag-swerve ito sa madulas na kondisyon ng kalsada.
Nagtamo ng sugat ang drayber ngunit inireport na ligtas, at ang ibang mga pasahero na tinukoy bilang barangay frontliners mula sa Barangay 7 sa Malaybalay City, ay agad dinala sa kalapit na ospital.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang kondisyon ng iba pang mga pasahero. RNT/JGC